MISTULANG ayaw paawat ang raket ng “tanim bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Setyembre ngayong taon nang mabalita sa mga pahayagan at sa telebisyon ang pagpipigil at pagkakapiit sa paliparan ng mga pasaherong nahuhulihan ng bala sa kanilang bagahe, na nagsimula sa isang 56-anyos na overseas Filipino worker (OFW), na mula sa Ilocos Sur ay pabalik na sa kanyang trabaho sa Hong Kong.
Matapos na magsulputan ang mga kaparehong kaso, na naglantad sa bansa sa pandaigdigang panunuya, kumilos ang ilang ahensiya ng gobyerno para mag-imbestiga. Inasahang iyon na sana ang magwawakas sa operasyon ng “tanim bala” sa paliparan.
At noong nakaraang lingo, sa isang panayam sa telebisyon, isang Pilipinong seaman ang nagsabing muli sana siyang sasampa ng barko sa Davao nang maabala siya sa paliparan. Kahit pa ingat na ingat siyang hindi masingitan ng kung ano ang kanyang backpack, isang nag-iisang bala ng .22 caliber ang natagpuan ng airport security sa kanyang bagahe.
Masuwerte naman na agad siyang nasaklolohan ng isang abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) sa paliparan kaya agad siyang nakaalis.
Sa harap ng paulit-ulit na pagtanggi ng pinakamatataas na opisyal ng gobyerno na may anomalya sa paliparan, naninindigan naman ang PAO sa pagtulong sa mga taong gaya ng seaman. Malinaw na nagpapatuloy pa rin ito hanggang ngayon, at posibleng nagatungan pa nga sa pananalita ng ilang mataas na opisyal.
Inihayag ng House Committees on Transportation, on Good Government and Accountabililty, at on Public Order na ipagpapatuloy nila ang imbestigasyon na isinagawa simula pa noong Setyembre. Mag-iimbita sila ng mga opisyal ng Manila International Airport Authority, Aviation Security Group, at Department of Transportation and Communications (DoTC) na—sa kabila ng mga pagtanggi sa nakalipas na mga lingo—dapat na unang nakabatid sa “tanim bala” scam.
Malinaw na hindi sumasang-ayon ang mga miyembro ng Kamara sa mga pahayag na gaya ng kay DoTC Secretary Joseph Emilio Abaya na ipinagwalang-bahala ang mga insidente ng “tanim bala” sa paliparan dahil nasa wala pang .004 porsiyento ito ng 32 milyon pasahero na dumadaan sa NAIA kada taon. Ang operasyon ng “tanim bala” ay nagdulot ng malaking kahihiyan sa bansa at hanggang hindi ito natutuldukan, dapat na magpatuloy ang mga pagsisiyasat na gaya ng ginagawa ng Kamara.