Tinukoy na ng Commission on Elections (Comelec) ang mga nuisance candidate na kakandidato sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016.
Ayon kay Comelec Chairman Andres Bautista, mahigit 100 kandidato na naghain ng certificate of candidacy (CoC) sa pagkapangulo ang idineklara na nilang nuisance candidate.
Idineklara na rin ng Comelec na panggulong kandidato ang siyam na naghain ng CoC sa pagka-bise presidente, gayundin ang 96 na kandidato sa pagka-senador.
Hindi pa inilabas ng Comelec ang mga pangalan ng mga naturang nuisance candidate.
Kaugnay nito, sinabi rin ni Bautista na ibinasura ng Comelec Second Division ang petisyon na humihiling na ideklarang nuisance candidate si Martin Diño, secretary general ng PDP-Laban at orihinal na standard bearer ng partido sa 2016 presidential race.
Ikinatwiran ng Comelec na wala nang saysay ang naturang petisyon dahil nag-withdraw na ng kandidatura si Diño noong Oktubre 29.
Una nang umurong sa kandidatura si Diño matapos mainsulto nang padalhan siya ng liham ng Comelec Law Department at pinagpapaliwanag kung bakit hindi siya dapat ideklarang nuisance candidate.
Sa kanyang pagwi-withdraw, iniendorso ni Diño bilang substitute si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, na iprinoklama na ng PDP-Laban bilang standard bearer at naghain na rin ng kanyang CoC, bagamat may mga personalidad nang kumuwestiyon sa validity ng kandidatura ng alkalde. (MARY ANN SANTIAGO)