Nahaharap sa kasong graft and corruption si dating Manila Mayor Alfredo S. Lim at dalawa pang business executive sa Office of the Ombudsman (OMB) dahil sa diumano’y maanomalyang pagtatayo ng mga parking ticket machine sa mga langsangan ng lungsod sa kanyang termino simula 2010 hanggang 2013.

Sa siyam na pahinang reklamo, tinukoy ni Ricardo Santos Cruz sa pamamagitan ng kanyang abogadong si Jaime Salvatierra, ang dalawa pang respondent na sina Tokagawa Global Corporation vice president Rorie Cariaga, at Matsuyama Corporation managing officer Napoleon Ibalio.

Sinabi ni Salvatierra na ang reklamo ay ibinatay sa ulat na isinumite noong Oktubre ng City Auditor’s Office kay Manila Mayor Joseph Ejercito Estrada.

Ipinakita sa evaluation report na nilagdaan ni supervising auditor Mario Lipana na talo ang pamahalaang lungsod sa kasunduang pinirmahan sa pagitan ng mga respondent.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Binanggit niya na ang lungsod ay nakakukuha lamang ng 20 porsyento ng share sa parking income at ang nalalabing 80 porsyento ay mapupunta sa private contractors.

Binanggit din ng abogado na sa nakalipas na taong 2013 at 2014 nakakuha lamang ang lungsod ng P61 million mula sa kabuuang kinita na P277 million.

Sa pagpaso ang kontrata, sinabi ni Cruz na ang dapat na kinita ng dalawang contractor ay P2.77 billion sa kabuuan habang ang City government ay makakukuha lamang ng P693.48 million.

Inilarawan ng complainant ang sarili na taxpayer, residente ng lungsod at dating mediaman.

Kasama si Manila Congressman Amado Bagatsing, sina Lim at Estrada ay tumatakbo bilang mayor ng lungsod sa susunod na taon. (Jun Ramirez)