Iniligtas ng pulisya ang isang babaeng negosyante matapos madakip ang apat na kumidnap dito sa pagsalakay sa safehouse ng mga suspek sa San Rafael, Bulacan.

Sinabi ni Senior Supt. Roberto Fajardo, director ng Anti-Kidnapping Group ng pulisya na dinukot ang negosyante sa Angeles City sa Pampanga at dinala sa Bulacan habang nagpapatuloy ang negosasyon para sa kanyang paglaya.

Ayon kay Fajardo, pasakay na ang biktima sa kanyang sasakyan nang dumating ang mga armadong suspek at itulak siya papasok ng sasakyan.

“Humiling ang kidnappers ng P8 milyon kapalit ng pagpapalaya sa kanya. Pero nagdesisyon ang pamilya niya na humingi ng tulong sa pulisya,” ani Fajardo.

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente

Aniya, agad na naglunsad ng operasyon ang pulisya laban sa mga suspek, na naaresto makaraang matunton ang kanilang kinaroroonan.

Kinilala niya ang mga inaresto na sina Renan Manabat, Halen Villanada, Luisito Garampil, at Emiliano Contreras.

Sa Angat nadakip si Contreras matapos siyang ituro ng tatlo niyang kasabwat sa kidnapping, habang nakumpiskahan naman ng .9mm pistol si Garampil.

CAMPAIGN FUND-RAISING?

Sa imbestigasyon, sinabi ni Fajardo na natuklasan ng pulisya na sangkot sa pagdukot sa negosyante ang isang lokal na opisyal.

“Ang pulitikong ‘to ay person of interest sa ngayon,” sabi ni Fajardo.

Bukod sa kidnap-for-ransom, natuklasan din sa police intelligence report na kumakalap din ng pondo para sa kampanya ang ilang tiwaling pulitiko sa pamamagitan ng illegal na droga at pagnanakaw.

May ilang kaso pa, aniya at inihalimbawa ang Masbate, na serbisyo ng mga bilanggo sa mga provincial jail ang kinukuha ng mga tiwaling pulitiko para makalikom ng campaign funds.

MAGTIWALA KAYO

Sinabi ni Fajardo na ang matagumpay na pagliligtas sa negosyante mula sa kamay ng mga kidnapper ay isang patunay na malaking ang naitutulong ng pakikipagtulungan ng biktima para maging matagumpay ang mga anti-kidnapping operation.

Aniya, maaaring humingi ng tulong sa AKG sa mga numerong 0918-9002020, 0927-3234894 at 727-0000.