MAIN PHOTO_pink_island_02_lopez_080115 copy

ISA sa mga pangunahing dinadayo ng mga lokal at dayuhang turista sa Zamboanga City ang Santa Cruz Island, na kilala rin sa tawag na Pink Island.

Ang isla ay matatagpuan sa Basilan Strait, umaabot sa apat na kilometro ang layo mula sa Zamboanga City, na mararating sa pamamagitan ng bangkang de-motor.

Ang nagkukulay rosas nitong buhangin ay teknikal na tinatawag na pink coralline sand na nagmula sa napulbos na red organ pipe corals na tinangay sa pampang at naihalo sa puting buhangin kaya nagmimistulang pink ang baybayin.

ALAMIN: Ano nga ba ang EBET Law na pinirmahan ni PBBM

Ang Santa Cruz Island, kasama ang tinatawag na kakambal nitong munting isla ng Little Santa Cruz, ay itinuturing na mga protected area sa Zamboanga Peninsula, sa bisa ng Proclamation No. 271 na nilagdaan noong Abril 23, 2000.

Ang Santa Cruz ay may kabuuang lawak na 1,877 ektarya.

Sa 15-minutong biyahe sa bangka mula sa city proper ay mararating na ang isla matapos magrehistro sa Paseo del Mar, na mismong mga kawani ng City Hall ang umaayuda sa mga turista at bisita.

Ang bawat bangkang de-motor ay kayang magsakay ng walo hanggang 10 pasahero, na maaaring rentahan ng P1,000 para sa isang round trip ride.

Sa mga bangka, ang bawat pasahero ay binibigyan ng life jacket para sa ligtas na pagbibiyahe.

Kapag nasa isla na, mai-enjoy ng mga bisita ang iba’t ibang aktibidad, gaya ng beach volleyball, paglangoy sa malinaw na tubig, paglilibot sa iba’t iba pang bahagi ng isla upang mamasdan ang grupo-grupo ng nangagsabit na fruit bats, o galugarin ang lumang sementeryo ng tribong Samal Bangingi.

Pinakamainam na makita ang fruit bats kapag nangakatiwarik sila sa mga puno kapag high-tide, dahil maaaring maglibot ang mga bisita sa lugar lulan ng mga kahoy na bangka. Nariyan din si Elpidio Barrera Jr., ang Environmental Management Specialist na itinalaga ng pamahalaang lungsod upang pangasiwaan ang mga aktibidad sa isla sa araw-araw.

Kasabay nito, makikita rin ang mga lumang puntod, tipong 1960s pa, sa pagbisita sa lumang sementeryo ng tribuog Samal Bangingi.

Ayon kay Barrera, inabandona ng tribo ang nasabing sementeryo noong 1980s nang magsimula nang magdatingan sa isla ang mga turista.

Sinabi pa ni Barrera na maaari ring manatili na lang ang turista sa isa sa mga cottage sa isla, mag-ihaw ng sariwang mga lamang-dagat at magpakabusog habang ninanamnam ang kagandahan ng isla.

Nagbebenta ang mga residente sa isla ng mga bagong huling lamang-dagat, na maaaring lutuin o ihawin.

Ang mga cottage ay maaaring upahan mula P100 hanggang P500, depende sa sukat, na ang pinakamalaki ay kasya ang 30 tao.

Nasa 600-800 dayuhang turista ang dumadayo kada araw bago nangyari ang Zamboanga siege, sinabi ni Barrera na ang peak season sa isla ay tuwing Marso hanggang Hunyo, at tuwing Disyembre.

Ang kaligtasan ng mga bisita ang prioridad ng pamahalaang lungsod, kaya naman may nakatalagang pulis para magbantay sa baybayin, habang nakapalibot naman sa isla ang mga operatiba ng Philippine Army.

Regular ding nagpapatrulya at nakasubaybay sa mga bangkang de-motor na nagbibiyahe sa mga turista papasok at paalis ng isla ang pulisya at ang Philippine Coast Guard (PCG).

Kaya para sa maagang pamamasyal ngayong Pasko, o kung nais paagahin ang summer vacation para maiba naman, subukan n’yo ang magpaka-“pink” sa Santa Cruz Island ng Zamboanga City. (ALEXANDER D. LOPEZ)