Mismong ang giant cable network HBO ang naghihikayat sa mga handler nina pound-for-pound king Roman “Chocolatito” Gonzalez at longtime Filipino champion Donnie Nietes na magharap sa isang title fight sa susunod na taon.
Ito ang inamin ng promoter ni Nietes na si Michael Aldeguer na nagsabing nakatanggap siya ng imbitasyon buhat kay HBO executive vice-president Peter Jacobs upang pag-usapan ang planong laban.
Ang HBO ang longtime leading pay-per-view network ng sports na nagpalabas ng maraming classic boxing fights kabilang na ang mga laban ni Filipino boxing sensation Manny Pacquiao.
Bukod sa pagiging pound-for-pound king ay hawak din ni Gonzalez ang WBC 112lb crown habang si Nietes naman ang longest reigning Filipino world champion na tumatagal na ng halos walong taon.
Ngunit iginiit ni Aldeguer na dapat munang sumabak sa isang flyweight bout si Nietes upang madetermina nila kung mapananatili ng Murcia-native champion ang bilis at lakas sakali man na makalaban nito si Gonzalez.
“We sent our people to discuss the matter. The talks went really well but everything remains to be on the table,” said Aldeguer. “We have to know if he can bring his speed and power when he moves up or if he can handle the punches in that division.”
Ibinunyag ni Aldeguer na nagpadala na sila ng representative upang makipag-usap sa HBO executives at sa promoter ni Gonzalez na Teikken Promotions na naka-base naman sa Japan.
Bukod sa Teikken ay kausap din ng ALA group ang Mexico-based Zanfer Promotions na may hawak kay WBA at WBO flyweight champion Juan Francisco Estrada, ang isa pang flyweight champion na nais makalaban ni Nietes.
We’re planning a unification match but Donnie insisted he wants to move up and test the champions of that division,” ani Aldeguer.
Ukol naman sa pag-akyat ng timbang ni Nietes, tiniyak ng conditioning coach ng ALA Promotions na si American Nick Curson na makakasabay pa din ang current WBO lightflyweight champion sa mga top fighter ng flyweight division.
“While our conditioning coach (Nick Curson) told me Nietes can do well at 112, it remains to be seen. Gonzalez is not an ordinary champion,” dagdag ni Aldeguer.
Sa ngayon, naghihintay ang kampo ni Nietes ng desisyon buhat sa WBO ukol sa posibilidad na magsagawa muna ito ng mandatory defense sa April 2016. (DENNIS PRINCIPE)