Nahaharap sa kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman ang isang mataas na opisyal ng barangay ng Quezon City dahil sa panghihingi umano ng “lagay” sa isang grupo ng vegetable dealer sa Metro Manila.

Una nang nagsampa ng reklamo sina Felix Moradas at Helen Canete laban kina Chairman Marciano Buena Agua, Jr., ng Barangay E. Rodriguez; at sa mga Barangay Public Safety Officer (BPSO) na sina Wilmer Peñaflor, Joel Canonoy, at Marlon Tadeo sa tanggapan ni Ombudsman Conchita Carpio Morales.

Sinundan ito ng reklamo nina Marilyn Almares, Mark Reil Comia, Hermogenes Untalan, at Larry Suares laban din sa apat na opisyal ng barangay, at sa isa pang BPSO na si Rogelio Pineda, dahil din sa umano’y pangongotong.

Sa kanilang reklamo, hiniling ng mga complainant kay Morales na isailalim sa preventive suspension ang grupo ni Agua habang isinasagawa ang imbestigasyon.

Eleksyon

Archdiocese of Manila, hindi mag-eendorso ng kandidato sa eleksyon

Nanawagan ang grupo kay QC Mayor Herbert Bautista na imbestigahan ang reklamo laban sa mga naturang opisyal ng barangay.

Batay sa limang-pahinang reklamo na inihain nina Moradas at Canete, dakong 3:30 ng umaga noong Nobyembre 5, nagbababa sila ng kalakal mula sa kani-kanilang sasakyan nang sitahin sila ni Tadeo, na lulan sa barangay service patrol, at hiningian ng P300 bawat jeep at truck dahil sa ilegal na pagdidiskarga ng mga produkto sa Mega Q-Mart.

(Jun Fabon)