Bagamat hindi naman talaga mga manlalaro ng University of Santo Tomas (UST) at ng Far Eastern University (FEU) ang naglaban sa katatapos na Philippine Super Liga (PSL) Grand Prix finals noong Sabado ng hapon, ‘tila ganito na rin ang naramdaman ni Foton Head Coach Villet Ponce-de leon.

Si De Leon ay bahagi ng UST women’s volleyball team na nag-reyna sa liga simula 1985 hanggang 1991, kasabay ng mga dating national player na sina Natalie Cruz, Mozzy Crisologo Ravena, at Mylene Cuenca Bacud, sa ilalim ni Coach August Sta. Maria.

Ang nakatunggali naman niyang head coach ng Petron na si George Pascua ay produkto ng FEU men’s volleyball team, kaya naman mistulang nadugtungan nila ang katatapos na UAAP Season 78 men’s basketball finals, na tinalo ng Tamaraws ang Tigers, 2-1.

At dahil suportado ng UST ang Foton sa pamamagitan ng pagpapahintulot sa mga itong doon mag-ensayo sa kanilang gym, minsang napag-usapan ang tungkol sa finals duel nila ng Petron.

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

“Noong matalo kasi ang UST sa FEU sa men’s basketball finals, sabi nila sa kin, ‘O, coach , kayo na ang magtsa-champion nyan’,” ani de leon.

“Sabi ko, Sige ibabawi namin ang Tigers, at yun, we did it naman.”

Bukod kay De Leon, isa sa kanyang mga player at bumubuo sa kanilang powerful trio na si Jaja Santiago ay nanggaling din sa UST, na roon ito nagtapos ng high school bago ni-recruit ng National University (NU) nang magkolehiyo.

Sa kabilang dako, bukod naman kay Pascua, produkto ng FEU sina Rachel Anne Daquis at Maica Morada. - Marivic Awitan