Ni ANGIE OREDO

CLARK, Pampanga – Bahagyang naging sagabal ang pagbuhos ng malakas na ulan kina Mary Joy Tabal at Rafael Poliquit, Jr. subalit hindi nito napigilan ang kapwa pagtatala sa kasaysayan ng dalawang nagtatanggol na kampeon na muling tinanghal na Hari at Reyna sa pagtatapos dito ng dinumog na 39th Milo Marathon National Finals.

Isinumite ng 26-anyos na si Tabal ang kabuuang 2:48:22 segundo upang isulat ang kasaysayang record na tatlong sunod na pagiging Reyna ng Marathon sa bansa, habang muli naman nanggulat si Poliquit nang iuwi niya ang ikalawang sunod na korona sa pagiging Hari ng Marathon.

Ang ikatlong sunod na panalo ng nagmula sa Barangay Guba, Cebu City na si Tabal ang una sa kasaysayan ng pinakamatagal na karera sa bansa, matapos maging natatanging babaeng kampeon na nagawang maiuwi ang korona sa diretsong tatlong sunod na taon.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Lumampas naman sa kamay ni Tabal, na nagtuturo sa mga batang mahihilig sa takbuhan sa bundok ng Cebu, ang dapat sanang dobleng panalo matapos maungusan sa Open Category (International) upang magkasya sa ikalawang puwesto kontra sa Kenyan na si Elizabeth Rumokol, na nagtala ng kabuuang 2:43:41 segundo.

“Sayang po dahil ako sana ang magiging unang double champion na manalo sa Open at saka sa National,” sabi ni Tabal, na silver medalist sa women’s marathon sa nakalipas na Singapore Southeast Asian Games. “Medyo umulan po kasi kaya bumagal ako at naapektuhan ang pacing ko.”

Tinabunan ni Tabal, na nagsimula muna sa maiigsing karera na inoorganisa ng Milo bago naging kampeon at napabilang sa pambansang koponan, ang mga nagawa ng mga dating babaeng kampeon na sina Arsenia Sagaray, Christabel Martes, at Mary Grace Delos Santos na nakapag-uwi ng dalawang korona.

Hangad naman nina Tabal at Poliquit Jr., na gamitin ang dagdag na insentibo na makatakbo sa prestihiyong Boston Marathon na sagot mismo ang gastusin ng namamahalang Milo upang makapagkuwalipika sa kapwa inaasam na makalahok sa kada apat na taong 2016 Rio De Janeiro Summer Olympics.

“Naiyak po ako pagpasok sa finish line dahil grabe ang hirap at pressure sa akin. Kung hindi po sana umulan ay na-break ko ang women’s record,” sabi ni Tabal na siya ring may hawak ng pinakamabilis na oras na 2:48.00 matapos burahin ang record ni Joann Tabanag na 2:48:16.

“Gagamitin ko po ang pagtakbo ko sa Boston Marathon para makapag-qualify ako sa 2016 Rio Olympics. May apat na buwan pa po ako para mapabilis ko ang time ko at mapantayan ang qualifying time na 2:40:00 flat,” sabi niya.

Dahil sa dobleng panalo ay iuuwi ni Tabal ang P250,000 premyo sa pagpangalawa sa Open Category at P150,000 naman sa pagiging kampeon sa national division, sa pakarera na suportado ng POC-PSC, Bayview Park Hotel Manila, Timex, Smart, Asics at Maynilad.

Inihayag naman ni Milo Sports Executive Andrew Nere na kanilang susuportahan ang dalawang atleta kung magagawa ng mga itong magkuwalipika sa 2016 Rio Olympics.

“In case na makapag-qualify sila sa Olympics, we will talk and communicate with PATAFA and we will fully support them in their training,” sabi ni Neri.

Bagamat mahirap kay Poliquit, na hindi nakatapos sa qualifying sa Davao matapos mag-cramps, ay pilit din niyang gagawin ang makakaya upang masungkit ang pinakaasam na makalahok sa Olimpiada.

“Target ko talaga na mai-defend lang ang title ko,” sabi ni Poliquit, na nagtala ng 2:36:10 oras na walong segundo lamang ang abante kay Juneil Langudo na nagsumite ng 2:36:18. “Paghahandaan ko po talaga ang Boston para makapag-qualify ako,” sabi pa niya.

Gayunman, wala pang Pilipinong nakakapagkuwalipika sa kada apat na taong Olimpiada, na kinakailangan ni Poliquit na abutin ang 2:17:00 qualifying time sa full marathon.

“Sa totoo lang po, wala pang Pilipinong nakakagawa nun, kaya po mahirap talaga gawin. Pero susubukan ko po para mapatunayan ko sa sarili ko na ang kakayahan,” sabi ni Poliquit.