Isang seaman, na tinanggal sa trabaho at pinababa ng barko bago pinauwi sa Pilipinas, ang nagpatiwakal sa pamamagitan nang pagbibigti sa Malate, Manila, nitong Sabado ng hapon.
Kinilala ang biktimang si John Gregg Elejan, 31, oiler crew ng isang international shipping lines, at pansamantalang nanunuluyan sa Status Maritime Corporation (SMC) sa 1802 San Marcelino, Malate, Manila.
Batay sa ulat ni PO3 Alonzo Layugan, dakong 3:10 ng hapon nitong Sabado nang madiskubre ang bangkay ng biktima habang nakabigti gamit ang water hose sa ilalim ng fire exit ng SMC building.
Ayon sa maritime cadet na si Rex Barcebal, 24, at kay Michael Bugna, security guard, nagulat na lang sila nang makitang nakabigti ang biktima kaya pinagtulungang ibaba ito at tinangkang bigyan ng first aid.
Nagkaroon umano ito ng mahinang pulso kaya isinugod sa Philippine General Hospital (PGH) ngunit idineklara rin itong patay ng mga doktor matapos ang ilang minuto.
Lumitaw sa imbestigasyon, sinibak sa pagiging oiler ng barko ang biktima dahil sa mga umano’y paglabag kabilang ang “bad behavior, bad performance, not following instructions at negligence of duties and responsibilities.”
Pinauwi rin umano ng Pilipinas ang biktima kahit hindi pa tapos ang kontrata at siya pa ang bumalikat ng kanyang mga gastusin sa pag-uwi. - Mary Ann Santiago