Pagtitiwala sa kani-kanilang sariling talento at abilidad ng kakampi ang naging sandigan ng Foton Tornadoes upang lampasan ang matinding hamon, partikular na kontra sa respetadong Petron Blaze Spikers, upang iuwi nito ang unang korona sa prestihiyosong 2015 Philippine Super Liga Grand Prix nitong Sabado ng hapon.

“Foton is a very young team that needs proper guide,” sabi ni Tornadoes coach Ma. Villet Ponce De-Leon. “What I did is that we in the coaching staff told them every day to believe in their abilities and what they can give to the team and also believe in their teammates.”

Agad nakalasap ng panalo sa kanilang unang laro ang Tornadoes bago sunud-sunod na nakatikim ng masasaklap na kabiguan sa unang round ng labanan upang mamiligro sa kanilang tsansa sa korona.

Gayunman, paisa-isang itinala ng Tornadoes ang importanteng panalo upang maisagawa ang apat na sunod na panalo at makatuntong sa semi-finals bilang ikaapat na puwesto. Dito pinatunayan ng Tornadoes na kaya nilang magawa ang mahirap na hamon sa pag-agaw sa silya ng kampeonato sa Philips Gold.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Isinagawa ng Foton ang matinding upset sa torneo nang biguin ang top seed na Philips Gold sa isang laro na matira-matibay na semi-finals bago ginulantang ang lahat nang talunin nito sa unang pagkakataon, matapos ang ilang beses na kabiguan, sa pakikipagharap sa Petron sa unang laro ng kampeonato.

“Naniniwala ako na may kakayahan pa at mailalabas ang mga player ko,” sabi ni De Leon. “Hindi namin inaasahan na makukuha namin sa straight set ang korona pero ang ginawa namin ay pinilit naming maagaw ang bawat puntos at pahirapan sila na makakuha naman sa amin ng puntos,” paliwanag pa ni De Leon.

Nalimitahan din ng Tornadoes ang kanilang errors sa tanging 10 lamang sa buong laro na sinandigan nito upang maging ikatlong koponan sa natatanging liga ng mga club volleyball team sa bansa.

“That is what we have been practicing after we lost Game 2,” sabi ni De Leon. “We had our chance but our errors during the crucial stage were too closely kaya kami natalo.”

Kaya naman kakaibang Foton, na ‘tila buhawi sa lakas at mistulang bagyo, ang nakasagupa ng Petron na tinapos ang kampeonato sa loob lamang ng tatlong set, 25-18, 25-18 at 25-17, upang pormal na makabilang sa mga natatanging kampeon sa Philippine Superliga (PSL).

Pinamunuan ng dating Bradley University varsity player na si Lindsay Stalzer ang Tornadoes sa kabuuang 18 kills upang tumapos na may 20 puntos, habang nag-ambag sina Katie Messing ng 14 na puntos, at Jaja Santiago, na may 11 puntos para suportahan ang Foton.

Dahil sa ipinamalas ni Stalzer ay itinanghal ito na Most Valuable Player. Nakasama naman nito ang mga individual awardees na sina Ariel Usher (1st Best Outside Spiker), Bo Todorovic (2nd Best Outside Spiker), Alexis Olgard (1st Middle Blocker), Santiago (2nd Middle Blocker), Ivy Perez (1st Best Setter), Erica Adachi (2nd Best Setter), Michelle Gumabao (1st Best Opposite Spiker), Frances Molina (2nd Best Opposite Spiker), at Jen Reyes (Best Libero).

Si Petron coach George Pascua ang kinilalang Coach of the Year matapos pangunahan ang Blaze Spikers sa impresibong 13-larong pagwawalis sa All-Filipino Conference, at paglalaro sa finals ng import-flavored Grand Prix.

“It was really teamwork. All players here in the Superliga are seasoned and are really good. The competition here is tough. So I told the team to work together and win it all. Our teamwork carried us to this victory,” sabi pa ni De Leon. - Angie Oredo