NAKAKUWENTUHAN namin ang nagwaging Best Supporting Actress na si Sheryl Cruz sa katatapos na Star Awards for TV. Una naming kinumusta kay Sheryl ang kanyang inang si Rosemarie Sonora na madalas din naming naging kakuwentuhan noong mga panahong nasa Pilipinas pa ang dating aktres sa tuwing napapasyal kami sa kanilang dating tahanan sa Valle Verde.
Ayon kay Sheryl, hindi raw naman naputol ang komunikasyon nilang mag-ina, taliwas ito sa nasusulat na may tampuhan daw sila ngayon. Bago nga raw siya pumunta sa Kia Theatre to attend the awarding ceremony ay tinawagan pa siya ng mommy niya and wished her good luck.
“Sa totoo lang, Kuya Jimi, mali naman ang ‘nilabas nilang magkagalit kami ni Mommy. Sobra naman ‘yan. Hindi totoo na hindi na kami nagkakausap. Si Mommy pa, eh, madalas ang pangungumusta niya sa amin na mga anak niya at pati na ang mga apo niya rito,” sey ni She.
Isa sa mga panalangin ni Sheryl ay magkaroon muli ng pagkakataon na magkasama-sama silang magpapamilya. Mas masaya raw siya kung makakasama niya ang ina, mga kapatid at pati na ang pamilya ng tiyahin niyang si Susan Roces.
Pero idinugtong agad niya na mukhang malabo ito sa ngayon dahil sa isyu sa kanila ni Sen. Grace Poe.
“Bilang kapamilya, eh, I am sad to what is happening. But we choose our paths, at ako, kung ano man ang sinabi ko before which is because I cared. Until now I care for the well-being of the family,” sey ng aktres.
Aminado ang aktres na kung minsan ay may mga desisyon o mga bagay na nangyayari na hindi nagugustuhan ng bawat isa sa kanila, pero hindi raw nangangahulugan na kakalimutan na ang pagiging magkakapamilya nila.
“We still care for each other. Maybe we have different views but at the end of the day, family will always be a family,” seryoso pang banggit ni She.
Sa darating na Kapaskuhan ay malungkot si Sheryl dahil ito ang unang Pasko na hindi sila magkakasamang magkakapamilya, bagamat kasama niya ang anak niya, mga pamangkin na mga anak ng kapatid niyang si Renzo Cruz, at ang kanyang Yaya Doray at ilang kasambahay, pero hindi sila magkakasama ng pamilya naman ng tiyahin niyang si Susan Roces.
“Hindi lang kami magkakasama-sama dahil napapaligiran ang aking pinsan ng mga taong hindi dapat pinakikinggan. Ang akin lang, I was not the one who caused any kind of distraction na hindi ako lumayo sa family ko.
“It’s the people around na merong pansariling interes at inilalagay ang aking pinsan sa pahamak.” Banggit pa rin ni Sheryl Cruz.
Ibinulong sa amin ni Sheryl kung sino ang mga taong tinutukoy niyang naging dahilan ng lalong pagkakagulo ng tampuhan nila ng pinsang si Sen. Poe. Pero nakiusap ang aktres na para sa amin na lang daw muna ang ibinulong niya, huh!
Sa isyu ng disqualification ng Comelec sa pinsan niyang si Sen. Grace Poe ay iniiwasan na raw niyang magbigay pa ng komento. Mas gusto raw niya sana na manahimik na ang lahat.
“Basta ang sa akin lang, eh, mananatili silang mahal sa akin, tulad ng lyrics ng kanta ko,” medyo napatawa pang sambit ni Ms. Sheryl Cruz.