Nagpiyansa na sa Sandiganbayan si dating Metro Rail Transit (MRT) 3 General Manager Al Vitangcol III kaugnay ng kinakaharap niyang kasong graft dahil sa umano’y pagkakasangkot niya sa multi-milyong pisong kontrata sa pagmamantine ng MRT.

Aabot sa P90,000 ang inilagak na piyansa ni Vitangcol sa tatlong bilang ng paglabag sa RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act) sa anti-graft court noong nakaraang Biyernes.

Kabilang si Vitangcol sa anim na opisyal ng gobyerno na kinasuhan ng Office of the Ombudsman ng katulad na kaso noong nakalipas na linggo.

Kinasuhan ang mga ito nang i-award sa mga ito ang kontrata sa Philippine Trans Rail Management and Services Corp. (PH Trams) sa kabila ng kawalan ng public bidding.

Internasyonal

Mga Pinoy na ilegal na naninirahan sa Amerika, binalaan ng PH Ambassador

Natuklasan na aabot sa $1.5 million kada buwan ang maintenance contract ng MRT 3 sa PH Trams.

Nadiskubre rin sa imbestigasyon ng Ombudsman na kasama sa incorporators ng PH Trams ang tiyuhin ng asawa ni Vitangcol.

Matatandaang umalma si Vitangcol nang siya lamang, kasama ang lima pang opisyal, ang kinasuhan ng Ombudsman at hindi isinama si Department of Transportation and Communications (DOTC) Secretary Joseph Emilio Abaya sa demanda. - Rommel P. Tabbad