SI Mark Zuckerberg ay isang Harvard dropout na kasamang nagtatag ng Facebook at naging bilyonaryo noong 2007, nagkamal ng yaman na tinataya ngayong aabot na sa $45.4 billion. Noong nakaraang linggo, sa pagsilang ng anak nilang babae na si Maxima, nag-post siya at ang maybahay niyang si Priscilla Chan sa kanilang Facebook page ng isang pledge na ipagkakaloob nila ang 99 na porsiyento ng kanilang yaman upang maging masaya at maganda ang mundong kamumulatan ng kanilang anak.
Bago si Zuckerberg, isa ring bilyonaryong investor, si Warren Buffet, na sinasabing ikaapat na pinakamayaman sa mundo sa ari-ariang $64.5 billion, ang nangakong ibabahagi sa kawanggawa ang 99 na porsiyento ng kanyang yaman. Sa nakalipas na sampung taon, nakapamigay na siya ng $25.5 billion. Noong nakaraang taon lamang, nag-donate si Buffet ng $2.8 billion sa iba’t ibang kawanggawa, kasunod ng napabalitang pahayag ni Saudi Prince Alwaleed bin Talal na ipagkakaloob niya ang lahat ng kanyang P32-bilyon yaman sa mga gawaing pilantropo sa mga susunod na taon.
At nariyan pa si Bill Gates na kasamang nagtatag ng Microsoft, ang sinasabing pinakamalaking software business sa mundo. Simula noong 1987, malapit kung hindi man nanguna si Gates sa taunang listahan ng Forbes ng pinakamayayaman sa Amerika, at ang yaman niya ay tinaya sa mahigit $101 billion noong 1999. Kasama ang kanyang asawa, itinatag niya ang Bill and Melinda Gates Foundation noong 2000. Noong 2013, nakapamahagi na si Gates ng $28 billion sa foundation na nagpapatupad ng mga proyekto para sa mahihirap sa iba’t ibang panig ng mundo sa larangan ng pagpapaunlad ng agrikultura; tubig, sanitasyon, at kalinisan; tulong sa mga biktima ng lindol; pananaliksik sa AIDS, tuberculosis, at malaria; edukasyon at pagpapatayo ng mga silid-aklatan.
Ang International Rice Research Institute sa Laguna ay tumanggap din ng tulong mula sa Gates Foundation sa halagang $19.9 million para sa rice research, sa layuning dagdagan nang 70 porsiyento ang produksiyon ng bigas sa mundo sa susunod na dalawang dekada upang masuportahan ang lumalaking pangangailangan ng mundo para sa pangunahing pagkain ng milyun-milyong tao sa Asia.
Noong 2010, lumagda sina Zuckerberg, Gates, at Buffett sa tinawag nilang “The Giving Pledge”, na roon ay nangako silang ido-donate sa kawanggawa ang mahigit sa kalahati ng kanilang yaman at hinimok ang iba pang mayayaman na magkaloob din ng donasyon, kahit na 50 porsiyento ng kabuuan nilang yamanm, sa kawanggawa. Noong 2014, nagbigay si Zuckerberg at ang asawa niya ng $25 million para sa ebola research kasunod ng epidemya ng sakit sa West Africa. Nitong Disyembre 1, nangako silang ido-donate ang 99 na porsiyento ng kanilang yaman sa isang bagong charitable foundation para sa kalusugan at edukasyon.
Nakatutuwang mabasa ang ganito kalalaking donasyon sa kawanggawa at pagtulong. Umaasa tayong ang kanilang halimbawa ay magsisilbing inspirasyon ng iba pang mayayamang tao sa mundo, kabilanga ng mayayamang Pilipino, at ibahagi ang kanilang biyaya sa mga pinakanangangailangan at pinakanaghihikahos sa mundo, at gaya ng sinabi ng mga Zuckerberg tungkol sa pagsilang ng kanilang anak na si Maxima, upang makatulong sa pagkakaroon ng isang masaya at magandang mundo para sa kanya at sa iba pang bata sa daigdig.