DAHIL sa kampanya ng China para sa pagpapatayo ng mga isla sa South China Sea, posibleng dumami nang apat na beses ang mga airstrip na magagamit ng People’s Liberation Army sa pinag-aagawang karagatan.

Isa itong hindi magandang balita para sa iba pang umaangkin sa lugar, partikular ang Pilipinas, Amerika, at Vietnam.

Ang pagtatayo ng isla, na lumikha ng malalawak na bagong lupa sa pamamagitan ng paglalatag ng buhangin sa ibabaw ng bahura, ay nagkakahugis na ngayon sa isang abalang konstruksiyon, kumpleto sa mga gusali, daungan, at ang pinakamahalaga, may mga runway na rin na naitayo sa nakalipas na mga buwan.

Pinangangasiwaan na ngayon ng China ang isang airfield sa Woody Island sa dikit-dikit na Paracel island, at nakita sa mga satellite photo ang konstruksiyon ng dalawa, o posibleng tatlo pa nga, na karagdagang airstrip sa mga bagong tayong isla sa silangan ng Spratly archipelago.

Night Owl

Demokrasya: Haligi ng Pag-unlad at Pananagutan

Ang mga base ay maaaring magkaroon ng “significant impact on the local balance of power” dahil makatutulong itong palakasin ang presensiya ng Chinese coast guard at puwersang pandagat, ayon kay Euan Graham, direktor ng International Security Program sa Lowy Institute sa Sydney, Australia.

Gaya ng maraming developments sa South China Sea, nananatiling hindi malinaw ang mga plano ng China tungkol sa mga island airstrip. Sa isang buwanang pulong kamakailan, tumanggi si Defense Ministry Spokesman Wu Qian na sabihin kung ilan ang planong itayo ng China o kung para saan ang mga ito, iginiit lang na ang lahat ng kanilang imprastrukturang militar ay “purely for defensive purposes”.

Inaangkin ng Beijing ang halos buong South China Sea at mga isla rito at lumikha ng pitong bagong features sa Spratlys simula noong nakaraang taon na magiging permanente na at nasa mahigit 800 ektarya ang kabuuang sukat, ayon sa mga satellite photo na nakalap ng gobyerno ng Amerika at mga pribadong grupo, kabilang ang Center for Strategic and International Studies sa Washington.

Bagamat iginigiit ng China na ang pagtatayo ng mga isla ay walang nilalabag na anumang batas at hindi magiging banta sa kaayusan at kapayapaan sa mga kalapit-bansa, malinaw na tiyak na ang militarisasyon sa rehiyon dahil na rin sa hindi nagbabagong posisyon ng China sa mariing pag-angkin sa mga isla sa lugar.