Arestado ang isang miyembro ng Sigue-Sigue Sputnik matapos mahulihan ng hindi lisensiyadong baril ng nagpapatrulyang pulis na sumita sa suspek habang dyumi-jingle sa isang poste ng LRT Station sa Pasay City, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang suspek na si Allan Bustamante Jr., residente ng Reyes Street, Pasay City.
Bukod sa City Ordinance 1572 (Urinating in Public Place), nahaharap din ang suspek sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunitions Regulations Act of 2013.
Lumitaw sa imbestigasyon na naaktuhan ng nagpapatrulyang si PO3 Michael Fernandez si Bustamante habang umiihi sa isang poste ng LRT-Libertad Station, sa panulukan ng Taft Avenue at Arnaiz St., dakong 7:00 ng gabi noong Biyernes.
Nang sitahin, sinabi ni Fernandez na kumaripas ng takbo si Bustamante kaya hinabol niya ito.
Nang maabutan at kapkapan ni Fernandez, nakuha umano sa kanang bulsa sa short pants ni Bustamante ang isang caliber .22 revolver na walang serial number at may apat na bala.
Walang maipakitang dokumento si Bustamante para sa baril, kaya ikinulong ito sa Pasay Police Station.
Inaalam din ng pulisya kung sangkot ang suspek sa serye ng panghoholdap sa mga pasahero ng LRT at jeepney sa lugar.
(Rachel Joyce E. Burce)