ANG kapistahan ni San Nicolas, ang patron ng mga bata at mga manlalayag, ay ipinagdiriwang tuwing Disyembre 6 , ang anibersaryo ng kanyang kamatayan circa 343. Isang obispo sa kanyang bayang sinilangan na Myra (Demre sa modernong panahon ng Turkey) noong ikaapat na siglo, iniuugnay siya sa Pasko at tinaguriang “good Advent saint” dahil sa tradisyon na palihim siyang namamahagi ng mga regalo sa mga bata—ang pinagbatayan sa nakasuot ng pula at balbas-saradong maalamat na karakter ni Santa Claus, na namumudmod ng maraming regalo habang sakay sa sleigh na hinihinala ng mga lumilipad na reindeer.

Libu-libong simbahan at monasteryo sa Europe ang nagbibigay-pugay kay San Nicolas—300 sa Belgium, 34 sa Rome, 23 sa Netherlands at mahigit 400 sa England. Ang unang simbahan ay ipinatayo ni Emperor Justinian I sa Constantinople (ngayon ay Istanbul) noong ikaanim na siglo. Ang mga kapilya ay matatagpuan sa ilang pantalan; maraming bata at institusyon ang ipinangalan sa kanya. Ang kanyang puntod sa Myra ay isang tanyag na pilgrimage site.

Ang kanyang mga reliko, na dinala ng mga manlalayag sa pantalan ng Bari sa Italy noong 1087, ay inilagak sa Basilica de San Nicola na binasbasan ni Pope Urban II. Sa St. Nicholas Day, binibitbit ng mga manlalayag ng Bari ang kanyang rebulto mula sa basilica patungo sa dagat, upang mabasbasan niya ang karagatan para sa ligtas na paglalayag. Mula sa kanyang reliko, taun-taon ay umaagos ang malinaw na likidong mistulang tubig na amoy rosas, na tinatawag na manna o myrrh, at pinaniniwalaang nagtataglay ng kapangyarihan ng milagro. Isang bote ng manna ang kinokolekta ng kaparian mula sa kanyang reliko tuwing Disyembre 6.

Sa araw ng kanyang kapistahan ay buhay na buhay ang mga kuwento ng kanyang kabutihan at pagiging mapagbigay, na karaniwan nang ginagawa niya nang palihim. Ang pinakatanyag dito ay ang pagliligtas niya sa tatlong batang babae mula sa pang-aalipin, nang idaan niya sa tsimineya ang tatlong bag ng ginto para sa kanilang ama at magsisilbing dowry nila. Nalaglag ang mga ginto sa sapatos ng lalaki—ito ang dahilan kaya nag-iiwan ang mga bata ng sapatos sa labas ng bahay, o kaya naman ay nagsasabit ng kani-kanilang medyas sa fireplace sa pag-asang may matatanggap na regalo.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Isang sikat na kuwento ang tungkol sa tatlong estudyante ng theology na patungong Athens ngunit pinatay, at ang mga katawan nilang pinaghiwa-hiwalay ay inipon ng innkeeper sa mga bariles. Pumasok siya sa tuluyan, taimtim na nanalangin hanggang sa mabuo at magkabuhay muli ang mga katawan. Naglayag pabalik mula sa pilgrimage sa Banal na Lupa upang tuntunin ang mga bakas ng paa ni Hesus, hinarap ni San Nicolas ang isang malakas na bagyo. Nanalangin siya, at nagulat ang mga takot na takot na manlalayag nang biglang tumigil ang malakas na ihip ng hangin at kumalma ang dagat.

Isinilang sa Patara, Lycia, sa Turkey noong 280, naulila si San Nicolas sa murang edad. Ginamit niya ang kanyang mana upang tumulong sa mahihirap at mga may sakit. Nakulong sa panahon ng persekusyonn ng Simbahan sa Diocletian, pinalaya siya ni Emperor Constantine, at maging bahagi siya ng unang Council of Nicaea.