Mga laro ngayon
The Arena
12:45 p.m. Navy vs. UP
3 p.m. PLDT vs. Army
Ikatlong sunod na titulo para sa kanilang headcoach at ikalawang kampeonato para sa koponan ang planong sungkitin ng PLDT Home Ultera sa muli nilang pagtutuos ng Philippine Army (PA) sa Game 2 ng kanilang best-of-3 finals series para sa Shakey’s V-League Season 12 Reinforced Conference sa The Arena, San Juan City.
Kasunod ng kanilang naitalang 16-25, 20-25, 26-24, 29-27, 18-16 panalo noong Game One, binaon ngayon ng Ultra Fast Hitters ang walis upang ganap na tapusin ang serye at maiuwi ang kampeonato.
Pinangunahan ni Alyssa Valdez, na nagtala ng 25-puntos ang nasabing came-from-behind win ng PLDT kaya naman muling aasahan ng koponan si Valdez para ganap na matapos ang duwelo nila ng Lady Troopers.
Ito’y sa kabila ng napabalitang pinagbawalan si Valdez ng pamunuan ng Ateneo na maglaro upang matiyak na malusog ito sa pagsabak sa darating na UAAP Season 78 volleyball tournament kung saan sila ang defending champions.
Ayon kay Ateneo team manager Tony Liao, maglalaro pa rin si Valdez ngayong Game Two at umaasang mauunawaan naman ito ng Ateneo sa kanyang kagustuhan na maglaro.
Bukod kay Valdez, sasandigan din ng Ultra Fast Hitters si reigning NCAA Gretchel Soltones gayundin ang iba pang mga beteranong manlalaro ng team na sina Aiza Maizo Pontillas at Sue Roces sampu ng kanilang beteranang setter na si Rubie de Leon at mga import na sina Sareea Freeman at Victoria Hurtt.
“Mahirap kalaban ang Army, alam naman natin na puro beterano ang mga player nila at ang tagal na nilang magkakasama.
Pero sabi ko lang sa mga player mag-focus lang kami dun sa dapat naming gawin at malaki an gaming chance naming na manalo,” pahayag ni Gorayeb.
Sa kabilang dako, aasahan naman ni coach Kungfu Reyes para itabla ang serye at makapuwersa ng winner-take-all Game Three sina Jovelyn Gonzaga, Jean Blasé, Aby Marano, Remy Palma, Royse Tubino, Tin Agno, Tina Salak at Nene Bautista.
Samantala, mauuna rito ay tatangkain naman ng University of the Philippines (UP) na walisin din ang sarili nilang serye ng Philippine Navy (PN) upang maangkin ang ikatlong puwesto sa kanilang pagtutuos sa ganap na 12:45 ng hapon.
Nakauna ang Lady Fighting Maroons sa kanilang duwelo 18-25, 25-19, 25-22, 25-10. (MARIVIC AWITAN)