ITO na siguro ang magiging pinakamakulay na eleksiyon sa nakalipas na mga taon, na dalawa sa mga kandidato sa pagkapangulo ang sangkot sa malalaking kontrobersiya na karapat-dapat sa headline treatment ng mga pahayagan.
Mahigit isang buwan makalipas ang palugit sa paghahain ng mga certificate of candidacy, sa wakas ay inihayag na ni Davao City Mayor Rodrigo Duterte na kakandidato siya sa pagkapresidente. Agad naman siyang naging kontrobersiyal sa kanyang pagmumura sa matinding trapiko sa Metro Manila kaugnay ng pagbisita ni Pope Francis sa bansa noong Enero.
Sinundan ito ng pagbubunyag niya na nabiktima siya ng seksuwal na pang-aabuso ng isang pari noong kanyang kabataan.
Diniskuwalipika naman si Senator Grace Poe ng Second Division ng Commission on Elections (Comelec) dahil hindi umano siya isang “natural-born citizen” at hindi nakatupad sa ten-year residency requirement para sa isang kandidato sa pagkapangulo. Idinulog na niya sa Comelec en banc ang kanyang apela.
Hindi pa nasasangkot si Sen. Miriam Defensor Santiago sa kontrobersiyang gaya ng kina Duterte at Poe. Ngunit napansin din siya ng media sa kanyang ipinaglalaban kontra sa “premature campaigning” sa telebisyon ng maraming kandidato, dahil inupuan lang, aniya, ng Senado ang kanyang panukala na ipagbawal ito.
Ilang buwan namang bumida sa mga unang pahina ng mga pahayagan si Vice President Jejomar Binay matapos siyang akusahan ng graft ng tatlong senador kaugnay ng mga proyekto niya noong siya pa ang alkalde ng Makati maraming taon na ang nakalilipas, ngunit malinaw na nakaligtas siya sa isang buong taon ng mga pagdinig ng Senado at napanatili ang kanyang pangunguna sa paulit-ulit na presidential surveys.
Ang kandidato ng administrasyon, si Mar Roxas, ang pinakatahimik sa limang kandidato sa pagkapangulo, ngunit siya rin ang pinakamatatag, walang binibitiwang anumang kontrobersiyal na pahayag simula nang manalasa ang super bagyong ‘Yolanda’, ngunit posibleng may pinakasolidong kampanya sa larangan ng pondo at lawak nito.
Nakasubaybay ang bansa sa lahat ng bagong pangyayaring kinasasangkutan ng sinuman sa mga kandidato sa pagkapresidente. Ang lahat ng ito ay bahagi ng makulay na sistema ng halalan, bagamat ginawa pa itong mas makulay nina Duterte at Poe. Ang mga nakaraan nating eleksiyon ay naging saksi rin sa mga karahasan; umasa tayong wala nang magbubuwis ng buhay sa pagkakataong ito, gaya ng nakaraang mga halalan.
Ito ang mga panuntunan at mandatong pang-eleksiyon na kinakailangan nating isakatuparan bilang batas. Umasa tayong ang kabi-kabilang problema at kontrobersiya ay hindi magresulta sa pagkawala ng mamamayan ng karapatang magpasya mula sa napakaraming posibilidad.