Mga laro ngayon
(MOA Arena)
4pm Japan Warriors vs Singapore Slammers
7:30pm Philippine Mavericks vs UAE Royals
Dadagsa sa bansa ang mga tinaguriang Hari at Reyna sa mundo ng tennis sa pamumuno nina Serena Williams, Rafael Nadal, Ana Ivanovic, Milos Raonic, Tomas Berdych at Nick Kyrgios upang lalong maging maningning ang magsisimula ngayong Manila leg ng Coca-Cola International Premier Tennis League (IPTL) 2015 sa Mall of Asia Arena.
Masasaksihan sa unang laro ang pinakabagong sali na Japan Warriors at ang Singapore Slammers sa ganap na 4:00 ng hapon na agad susundan ng salpukan ng hometeam na Philippine Mavericks na sasagupain naman ang pumangalawa noong nakaraang taon na UAE Royals sa ganap na 7:30 ng hapon.
Natapos ang unang leg ng team event na IPTL na ginanap sa Kobe, Japan kung saan nanguna ang Obi UAE Royals at ang nagtatanggol na kampeon na Micromax Indian Aces sa pagtatala nito ng malinis na kartada na dalawang panalo noong Disyembre 2 hanggang 4.
Ang Pilipinas ang ikalawang destinasyon ng natatanging torneo kung saan ay pumangatlo ang Mavericks sa naitala nitong isang panalo at isang talo.
Inaasahang magiging maigting ang tatlong araw na sagupaan sa Mall of Asia Arena kung saan ang hometeam ay pangungunahan ni Serena Williams kasama sina Milos Raonic, Mark Philippoussis, Edouard Roger-Vasselin, Jarmila Gajdosova, Richard Gasquet, Ajla Tomljanovic kasama ang local hero, at player-coach na si Treat Huey.
Inaasahang mapapanood din ng mga Fans ang tennis stars na sina Rafael Nadal, Ana Ivanovic, Belinda Bencic, Nick Kyrgios, Kristina Mladenovic, Sania Mirza, Leander Paes, Daniel Nestor, Dustin Brown kasama ang mga tennis legends Marat Safin, Fabrice Santoro, Goran Ivanisevic at Carlos Moya.
Kabilang sa Philippine Mavericks sina Serena Williams, Milos Raonic, Mark Philippoussis, Treat Huey, Édouard Roger-Vasselin, Jarmila Gajdosova, Richard Gasquet, Ajla Tomljanovic at playing coach na si Treat Huey.
Ang UAE Royals ay binubuo nina Ana Ivanovic, Tomas Berdych, Goran Ivanisevic, Kristina Mladenovic at Daniel Nestor habang ang coach ay si JL De Jager.
Ang Indian Aces ay irerepresenta nina Rafael Nadal, Samantha Stosur, Sania Mirza, Rohan Bopanna at Ivan Dodig habang ang coach ay si Fabrice Santoro.
Ang Singapore Slammers ay kinabibilangan ni Belinda Bencic, Carlos Moya, Nick Kyrgios, Karolína Plíšková, Dustin Brown at Marcelo Melo at ang coach ay si coach Purav Raja.
Ang Japan Warriors ay binubuo nina Mirjana Lucic, Kurumi Nara, Marat Safin at Leander Paes, Philipp Kohlschreiber.
Ang mga laban sa IPTL ay may limang set na magkakaiba ang mga kategorya na binubuo ng men’s singles, women’s singles, men’s doubles, mixed doubles at singels para sa mga dating kampeon.
Ang Indian Aces ang unang kinoronahan bilang kampeon sa liga noong IPTL 2014. Ang UAE Royals, Philippine Mavericks at Singapore Slammers naman ang ikalawa, ikatlo at ikaapat na puwesto.