Isinailalim sa rehabilitasyon ang Custodial Center ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa Camp Aguinaldo, Quezon City, na roon inaasahang ikukulong si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton.

Subalit binigyang-diin ni Defense Secretary Voltaire Gazmin na hindi gagawing eksklusibong kulungan ni Pemberton ang Custodial Center, dahil maaari rin ditong ikulong ang ibang preso, depende sa kautusan ng korte.

Matatagpuan sa loob ng compound ng Intelligence Service of the AFP (ISAFP), ang Custodial Center ang pinagkulungan sa mga rebeldeng sundalo na nagtangkang pataubin ang gobyerno ni noo’y Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo, kabilang na si Senator Antonio Trillanes IV, na dating opisyal ng Philippine Navy.

Base sa kahilingan ng gobyerno ng US, isinasaayos na ng AFP ang Custodial Center upang mapantayan ang international standards bago ilipat doon si Pemberton.

Metro

MANIBELA magkakasa ng libreng sakay sa Pasko at Bagong Taon

Ayon kay Gazmin, ang gastusin sa rehabilitasyon ng military jail ay galing sa pondo ng Bureau of Corrections (BuCor).

Hinatulan si Pemberton ng Olongapo City Regional Trial Court (RTC) na makulong ng anim hanggang 12 taon sa pagpatay sa Pinoy transgender na si Jeffrey “Jennifer” Laude noong Oktubre 11, 2014. (ELENA ABEN)