GENEVA (AFP) – May 600 milyong katao ang nagkakasakit dahil sa kontaminadong pagkain bawat taon, at tinatayang 420,000 ang namamatay, sinabi ng World Health Organization noong Huwebes, idinagdag na ang mga bata ang bumubuo ng halos one third ng mga namamatay.

Sa kanyang unang pagtaya sa epekto ng foodborne diseases, natuklasan ng UN health agency na halos isa sa 10 katao sa buong mundo ang nagkakasakit araw-araw dahil sa mga pagkaing kontaminado ng iba’t ibang bacteria, virus, parasite, toxin at kemikal.

Binigyang diin ni Kazuaki Miyagishima, pinuno ng food safety division ng WHO, ang kahalagahan ng pagkukuha ng malinaw na data sa problema.

“Until now, we have been combatting an invisible enemy, an invisible ghost,” aniya sa mamamahayag sa Geneva, idinagdag na umaasa siya na ang pagbilang sa mga nabiktima ng kontaminadong pagkain ay makatutulong upang palikusin ang mga bansa na palakasin ang food safety.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Tinukoy ng ulat, ibinase sa analysis ng data hanggang sa 2010, ang 31 iba’t ibang agent na nagkokontamina sa pagkain at nagiging dahilan ng pagkaratay o pagkakaroon ng malubhang sakit ng daan-daang milyong katao gaya ng cancer na maaaring hindi agad lulutang at mararamdaman lamang makalipas pa ang maraming taon.

Bukod sa pagpatay ng halos kalahating milyun ng mga tao bawat taon, ang foodborne diseases ay nakaaapekto rin sa kalidad ng buhay ng mga nakaligtas dito, ayon sa ulat.

Bawat taon, ang kabuuang populasyon ng mundo ay nalalagasan ng kabuuang 33 milyon dahil sa tinatawag na Disability-Adjusted Life Years (DALYs), o healthy years of life, ayon dito.

Dahil sinasamantala ng mga foodborne pathogen ang mahinang immune system, partikular na nanganganib dito ang mga bata.

Ang mga batang nasa edad limang taon pababa ang bumubuo ng siyam na porsyento ng global population ngunit hawak ang halos 40 porsyento ng lahat ng mga sakit na iniuugnay sa pagkain ng mga hindi ligtas na pagkain at 30 porsyento -- 125,000 – ng lahat ng mga kaugnay na pagkamatay, ayon sa ulat.

Ang foodborne diseases ay maaaring magdulot ng panandalian, ngunit bayolente, na mga sintomas ng pagsusuka at pagtatae, kadalasan ay tinutukoy bilang food poisoning, ngunit maaari ring magdulot ng pangmatagalang sakit gaya ng cancer, kidney o liver failure, brain at neural disorders, ayon dito.

Ang diarrheal diseases, kadalasan ay sanhi ng pagkain ng hilaw o alanganin ang pagkaluto na mga karne, itlog at dairy products na kontaminado ng salmonella, E.coli o campylobacter bacteria, o ng norovirus stomach bug, ang pangunahing responsable sa karamihan ng mga foodborne diseases.