ZAMBOANGA CITY – Dalawang umano’y miyembro ng Abu Sayyaf Group, na kapwa nahaharap sa mga kasong kidnapping, ang magkasunod na naaresto sa Zamboanga City at sa Jolo nitong Huwebes at Biyernes, iniulat ng awtoridad.

Kinilala ni Zamboanga City Police Director Senior Supt Angelito Casimiro ang nadakip nitong Huwebes ng umaga na si Arasad Saidjuwan, alyas Abu Ayub at Abu Mara.

Ayon kay Casimiro, nadakip ng magkasanib na puwersa ng pulisya at militar si Saidjuwan dakong 9:30 ng umaga nitong Huwebes sa Zaragosa Street, malapit sa pantalan sa lungsod na ito.

Nahaharap si Saidjuwan sa kidnapping at serious illegal detention, batay sa arrest warrant na ipinalabas ni Judge Leo Principe, ng Regional Trial Court (RTC), 9th Judicial Region, Branch 1 sa Isabela, Basilan.

Probinsya

Tinatayang 132,000 pamilya, lumikas sa Eastern Visayas dahil sa super typhoon Pepito

Biyernes naman nang madakip ang miyembro ng Abu Sayyaf na suspek sa pagdukot sa dalawang Malaysian, na ang isa ay pinugutan kamakailan.

Naaksidente sa motorsiklo at nagpapagamot sa ospital nang arestuhin ng awtoridad sa katimugang Jolo si Kadaffy Muktadil, ayon kay regional military commander Brig. Gen. Alan Arrojado.

Nitong Martes lang naglabas ng arrest warrant ang estado ng Sabah sa Malaysia laban kay Muktadil.

Matatandaang hiniling ni Malaysian Prime Minister Najib Razak noong nakaraang buwan sa awtoridad ng Pilipinas na papanagutin ang mga dumukot, bumihag at namugot sa Malaysian na si Bernard Then Ted Fen.

Mayo ngayong taon nang dukutin si Then, kasama ang kapwa Malaysian na si Thien Nyuk Fun, ng Abu Sayyaf sa Sabah at ibiniyahe ng Bangka patungong Sulu. Pinalaya si Thien nitong Nobyembre 8 matapos umanong magbayad ng ransom.

(NONOY E. LACSON at ng AP)