Bring it on.
Hindi nababahala si Pangulong Benigno Aquino III sa posibleng pagsampa ng mga kaso laban sa kanya sa oras na magtapos ang kanyang anim na taong termino sa susunod na taon.
Aminado ang Pangulo na maaaring hahabulin siya ng mga kaso mula sa mga nagngingitngit na kalaban niya sa pulitika ngunit sinabing handa siya na harapin ang lahat ng ito.
“Hindi pa nga po tapos ang laban: Pagbaba ko sa puwesto, baka po simulan na akong bawian ng lahat ng tiwaling pinanagot natin, para takutin ang lahat ng mga tulad nating maayos ang hangarin,” sabi ni Aquino sa pakikipagpulong niya sa Filipino community sa Rome, Italy noong Huwebes ng umaga (Biyernes sa Manila).
“Handa po akong harapin ito, dahil maliwanag sa akin na kung sumang-ayon akong manatili lang ang status quo, walang mangyayari sa bansa natin,” dagdag niya.
Sinabi ng Pangulo na pinili niyang ibahagi ang istorya ng paglago ng bansa sa Filipino community sa Rome dahil hindi nailalagay sa front page ng mga pahayagan ang serye ng magagandang balita sa Pilipinas.
Sinabi niya na ang Pilipinas ay naging “Asia’s new darling” mula sa pagiging “Sick Man of Asia” matapos makapagtala ng average growth na 6.2% sa nakalipas na limang taon. (Genalyn Kabiling)