MATAPOS ang sandaling pahinga sa isang linggong Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) sa Metro Manila, nagbalik ang mas lumala pang trapiko at nakaisip ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng bagong ideya upang maibsan ang trapiko ngayong holiday season.
Nanawagan ang MMDA Traffic Engineering Center ng pagpapahinto sa lahat ng ginagawang kalsada mula hatinggabi ng Disyembre 14, 2015, hanggang sa hatinggabi ng Enero 3, 2016. May 146 na road project ang kinukumpleto ngayon ng Department of Public Works and Highways sa iba’t ibang panig ng Metro Manila.
Umaasa ang center na kapag nahinto na ang mga pagawaing ito—kabilang ang mga flagship project ng gobyerno at NAIA (ang skyway mula sa Buendia sa Makati hanggang sa Balintawak sa Quezon City, at ang Balintawak Interceptor project)—ay hindi na masyadong magsisikip ang trapiko at maiibsan kahit paano ang perhuwisyo ng holiday rush sa mga mamimili.
Ang mga pagawain sa kalsada ay walang dudang isa sa mga pangunahing dahilan sa pagsisikip ng trapiko—bukod pa sa napakaraming sasakyan sa limitadong kalsada ng MMDA, maraming lansangan ang pinaparadahan ng mga sasakyan, at kabi-kabilang paglabag sa batas-trapiko ng mga abusadong tsuper.
Ngunit kahit pa ipatigil ang paggawa sa 146 na road projects, patuloy pa rin nitong mahaharangan ang trapiko.
Hinukay ang mga kalsada, kaya hindi ito madadaanan ng mga motorista. Sa katunayan, ang inirereklamo sa maraming pagawain ay ang kawalan ng mga obrerong nagtatrabaho. Dapat ay tuluy-tuloy ang trabaho, may gumagawa kahit sa gabi, upang mabilis na matapos ang proyekto at agad na mabuksang muli ang mga lansangan.
Sa panukala ng MMDA na itigil ang pagkumpleto sa 146 na proyekto hanggang sa Enero 3, 2016, mananatiling sarado o kaya naman ay nahaharangan ang mga kalsada. Walang magiging epekto ang plano sa trapiko, sa totoo lang. Pagtatagalin lamang nito ang trabaho—gayundin ang pagdurusa ng mga motorista.
Ang dapat na gawin ng MMDA ay ang ipagbawal ang alinmang bagong paghuhukay sa kalsada. Dapat din na pagtingin pa ng Highway Patrol Group (HPG), na nangangasiwa sa traffic enforcement, ang pagpapatupad nito sa mga batas-trapiko. Ang bawat pagsisikip ng trapiko, karaniwan ay sa mga pangunahing intersection, ay may partikular na dahilan, karaniwan nang dahil sa jeepney na nababarahan ang mga lansangan sa paghihintay ng mga pasahero. Dapat na suriing mabuti ng mga nangangasiwa sa trapiko ang bawat kaso.
Nagpapatuloy ang paghahanap ng solusyon sa problema ng Metro Manila sa matinding trapiko. At habang hindi pa nalilikha ang master plan para sa trapiko sa Metro Manila, kailangang makuntento na lang tayo sa maliliit na kontribusyon sa pagresolba sa tumitinding suliranin na ito.