SA nakalipas na mga buwan lalung-lalo na nitong “ber” months, unti-unti nang nagpaparamdam ang mga sirkero at payaso sa pulitika na balak tumakbo sa 2016 election partikular na ang mga gustong tumira nang libre sa Malacañang sa loob ng anim na taon. Napapanood na sa telebisyon at naririnig sa radyo ang kani-kanilang infomercial. Kaya, malakas ang dating at recall nito sa ating mga kababayan.
Nang maghain na ng kanilang certificate of candidacy (CoC) noong Oktubre 12 ay naging madalas na ang pagpapakita sa telebisyon at pagpaparinig sa radyo ng kanilang mga hangarin. Bagamat hindi tuwirang pangangampanya ang sinasabi at isinasaad ng infomercial, ang dating sa mga nakakapanood at nakakarinig nito ay para na ring humihikayat na “AKO ANG IBOTO NINYO! At kapag nagsimula na ang kampanya sa Pebrero 2016, asahan na ang lalong pagdami ng infomercial sa telebisyon at radyo. Limpak at malmal na salapi nanaman ang kita ng mga television at radio station. Gayundin ang mga imprenta (printing press) at mga gumagawa ng tarpaulin na isasabit sa mga istratehikong lugar sa mga bayan, lungsod at lalawigan.
Kumbaga sa manok na panabong na dating liyamado, biglang naging dehado at baka mangupete pa sa sultada ang resulta ng paghahayag at pag-eendorso ng PDP-Laban kay Davao City Mayor Rodrigo Duterte bilang manok at pambato sa pagkapangulo sa 2016 election. Ang dahilan: sa talumpati ni Boy Urong-Sulong (tawag kay Duterte dahil sa kanyang atras-abante na desisyon sa pagtakbo sa pagkapangulo) ay kanyang sinabi na naipit siya sa trapik nang bumisita si Pope Francis sa ating bansa noong Enero. Sinabi nito na gustong niyang tawagan ang Santo Papa at sabihin: Pope.****
ina ka, umuwi ka na. Huwag ka nang bumisita dito,” mura ni Duterte.
Ang inyong lingkod na sampung taon na nagturo sa seminaryo at nagtapos sa UST ay napailing na lamang nang marinig ang pagmumura ni Duterte. At aking nasabi: “Mahal na Birhen ng Antipolo!” at naitanong: “Ano bang uri ng tao si Mayor Duterte?”
Maging ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) ay hindi pinalampas ang pagmura ni Duterte sa Santo Papa. Sa pahayag ni CBCP President Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas sa CBCP website, sinabi niya na: Babaero si Duterte na masahol pa sa isang diktador at hindi dapat mamuno sa bansa. Ito ba ang isang halimbawa ng pamumuno na nais ipakita ni Duterte? Ito ba ang halimbawa ng pamumuno ng isang public official na dapat tawagin na “honorable” o kagalang-galang? (CLEMEN BAUTISTA)