ANG International Volunteer Day (IVD), na itinatag ng United Nations (UN) noong 1985, ay ipinagdiriwang tuwing Disyembre 5 ng bawat taon. Ginugunita ng mga gobyerno, ng UN system, at ng lipunan ang araw na ito sa pagkilala at pagpapakita ng pagtanggap sa mga volunteer organization at mga individual volunteer na naglalaan ng kanilang panahon, kakayahan, at lakas sa mga komunidad, partikular na sa pinakamahihirap sa mundo. Ang IVD ay ipinatupad sa Pilipinas sa bisa ng Proclamation No. 194 na ipinalabas noong Disyembre 7, 1987.
Isinusulong ng IVD ang kamulatan sa bolunterismo, na masusumpungan sa lahat ng kultura, lengguwahe, at relihiyon, at hinihimok ang mga tao at mga organisasyon na makisangkot at pagtibayin ang kanilang mga itinataguyod. Tumutulong ang mga volunteer upang matiyak ang tagumpay ng mga programa na nagbubunsod ng matatag na pamamahala, pinag-ibayong kalagayan ng lipunan, pandaigdigang kapayapaan, at kaayusang napapanatili. Bawat taon, milyun-milyong volunteers ang nagtutulungan upang maging mas maginhawa ang daigdig. Higit pa sa pagsusulong ng kabutihan para sa lahat, pinag-iibayo rin ng mga volunteer ang sarili nilang mga buhay; nagkakaroon sila ng pag-unawa na tahanan nila ang bawat komunidad.
Nakikipagtulungan ang UN sa mga gobyerno, mga partner at voluntary organization, gaya ng Rotary Club, Red Cross, Inner Wheel Club, Lions Club, at Scouts upang bumuo ng mga istruktura na magtataguyod at magpapanatili ng lokal na bolunterismo sa mga bansa. Sinusuportahan ng IVD ang UN at ang mga hangarin ng mga organisasyong ito—maibsan ang kahirapan at maisulong ang pangunahing edukasyon, pagkakapantay-pantay ng mga kasarian, pagbibigay-kapangyarihan sa kababaihan, kalusugan ng mga ina at kanilang mga sanggol, pag-iwas sa mga sakit, at pagpapanatili sa mayamang kalikasan. Kabilang sa mga volunteer activity sa iba’t ibang bahagi ng mundo ang award rites, cleanup campaigns, conferences, parades, exhibitions, fairs, at voluntary programs bilang bahagi ng corporate social responsibility ng isang kumpanya.
Ang 2015 IVD, na may panawagang, “Your World is Changing. Are You? Volunteer!”, ay hindi lamang nagdiriwang ng bolunterismo sa iba’t ibang larangan, kung hindi nagbibigay-pugay din sa mga volunteer na nagsisikap na maipatupad ang post-2015 UN Sustainable Development Goals na papalit sa Millennium Development Goals. Ang pagpapaunlad ng mga komunidad ay nakasalalay sa pagpupursige, determinasyon, at pagsisikap ng mga volunteer. Nahihirapan ang mga non-government organization na isagawa ang kanilang mga tungkulin bilang volunteers. Ang mga volunteer ay maaaring magpasimula ng mga pagbabago sa kani-kanilang komunidad, bansa, at sa mismong daigdig.
Ang United Nations Volunteers (UNV) program ay nagsusulong ng bolunterismo upang suportahan ang kapayapaan at kaunlaran, kumakalap ng mga katuwang upang maisama ang bolunterismo sa development agenda, at pinakikilos ang mga volunteer. Aktibo sa 130 bansa, kabilang ang Pilipinas, sinusuportahan nito ang 86 na field unit sa 7,700 volunteer na katuwang ng UN. Sa pamamagitan ng online service nito, nagpupursige ang mga volunteer para sa sustainable development sa pagsuporta sa mga aktibidad ng mga organisasyon sa Internet. Bawat taon, pinakikilos ng UNV ang mahigit 11,000 online volunteers, 60 porsiyento ay nagmula sa papaunlad na mga bansa, na tumatanggap ng mahigit 17,000 volunteering assignments. Hinihimok ng UNV ang mga mamumuhunan sa “volunteer action counts” website nito, na rito ay maaaring magpaskil ng mga komento, kuwento, litrato, at events kaugnay ng 2015 IVD. Nasa mahigit 76,000 bisita ang bumisita sa site sa selebrasyon ng IVD noong nakaraang taon.