michael angelo at marian3 copy real

HINTAYIN ang unti-unting paglipat sa mainstream TV ng “inspirational entertainment” na sa ngayon ay unti-unting nakakaipon ng loyal viewers sa Hashtag MichaelAngelo sa GMA News TV tuwing Sabado, 4:50 ng hapon.

Kapapasok lang sa Season 3 ng Hashtag MichaelAngelo na hino-host ng motormouth na si Michael Angelo Lobrin, ang dating seminarista na ayaw na yatang bumalik sa seminaryo simula nang makatagpo ng kakaiba at bagong bokasyon sa labas.

Isang taon na lang sana ay magiging pari na si Michael Angelo, pero biglang nagkaroon ng career sa speaking engagements, una, sa church groups, napunta sa team-building seminars ng malalaking kompanya, at ngayon nga’y nasa telebisyon na.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Kakaiba ang approach ng #MichaelAngelo simula sa financiers hanggang sa nilalaman ng show. Kasabay nitong nakikilala ang Chooks-to-Go chain of rotisserie stores na unti-unting kumakain sa multi-million market ng mga datihan nang lechonan ng manok.

Kung napapansin ninyo na ubod ng pagkagagalang ang mga staff ng Chooks-to-Go, iyan ay dahil nakatahi sa corporate culture nila ang mga aral na pinalalaganap ni Michael Angelo.

Pero bukod sa Chooks-to-Go, unti-unti nang natatambakan ang #MichaelAngelo ng sponsors na nakakaranas ng unti-unti ring pagtaas ng sales dahil sa show.

Napakaikli ng programa ni Michael Angelo pero nakakaloka ang mga segment nitong “TomGu” sketches, “Payong Kahashtag,” celebrity guest challenge/ interviews, at ang short inspirational talks na aakalain mong walang patutunguhan pero meron pala. Minsan, seryosohan niyang pinapayuhan ang isang girl na huwag uubusin ang panahon sa crush; kadulu-duluhan, siya pala ang crush nito! So, okey naman daw pala!

Sariling “invention” ni Michael Angelo ang inspirational entertainment, kaya minamani-mani lang niya ang delivery nito sa kanyang loyal viewers.

Kung magtutuluy-tuloy ang popularidad ng #MichaelAngelo, hindi kataka-takang mapansin ito ng mainstream TV.

(DINDO M. BALARES)