PAULIT-ULIT na binibigyang-diin sa political ads ng halos lahat ng kandidato ang paglipol sa kriminalidad bunsod ng mga bawal na droga. Kaya’t paulit-ulit din ang aking reaksiyon na: Kung ang jueteng nga ay hindi nasusugpo, drug pusher at user pa kaya? Ang naturang salot ng lipunan ay patuloy na namamayagpag dahil sa sinasabing pagsasabuwatan ng mga sugapa at ng mismong mga alagad ng batas.
Pati ang kriminalidad na bunsod naman ng mga pusakal na guns-for-hire na wala ring patumangga sa paghahasik ng karahasan; bigla na lamang itinutumba ng mga riding-in-tandem ang sinumang nais nilang paslangin. Maging ang mga rebeldeng grupo sa Mindanao at sa iba pang sulok ng bansa ay hindi maawat sa madugong sagupaan; naging libangan na yata nila ang pagdukot sa mga dayuhang turista at mga negosyante. Ang iba nating mga kababayan ay hindi nakaliligtas sa gayong kasumpa-sumpang gawain.
Laman din ng mga political ads ng mga presidential at vice presidential bets, at ng mga senador, ang plataporma hinggil sa pagkakaroon ng sapat na ani, paglikha ng mga trabaho at paglutas sa matinding problema sa kagutuman at trapiko. Mataga ko nang naririnig ang naturang mga problema. Subalit marami ang patuloy na nagtatanong: Natamo na ba natin ang rice-sufficiency? Hindi ba’t patuloy na lumolobo ang bilang ng mga walang trabaho? At hindi ba talamak ang maralitang pamilya na lugmok sa kahirapan? Natutustusan ba ang pangangailangan ng mga guro at mag-aaral tungo sana sa pagpapataas ng kalidad ng edukasyon? Sa kabila ng ganitong mga pangako, pilit iginigiit ng mga pulitiko na gaganda ang buhay ng mamamayan.
Halos magpaligsahan ang mga kandidato sa paglalahad ng mga pangako tungkol sa paglipol ng mga katiwalian sa lahat ng larangan ng paglilingkod. Ang problema sa walang katapusang anomalya ay kasing tanda na yata ng panahon. Hindi pa man umuugong ang political campaign, talamak na ang mga alingasngas sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan. Kabi-kabila ang pagsasampa ng mga kasong pandarambong o pagkulimbat sa salapi ng bayan. Katunayan, marami na ang nagdurusa sa mga detention center. Kapani-paniwala ba na ang nakadidismayang katiwaliang ito ay malilipol ng plataporma ng mga kandidato? Masugpo kaya ito ng ipinangangalandakang “Matuwid na Daan”?
Hindi pa natin madadama ang positibong resulta ng naturang mga plataporma na pawang produkto ng malikot at mapagbirong imahinasyon. (CELO LAGMAY)