Naniniwala ang mga legal expert na mahihirapan ang kampo ni Senator Grace Poe na kumbinsihin ng Commission on Elections (Comelec) Second Division na baligtarin ang resolusyon nito na nagdidiskuwalipika sa mambabatas sa pagkandidato sa 2016 presidential elections batay sa usapin ng 10-year residency requirement.
“The decision of the Comelec’s second division appears to be supported by factual and legal arguments,” pahayag nina Attorney Romulo Macalintal, Carlo Bistan at Raymond Fortun.
Anila, ito ay matapos aminin umano ni Poe na naging residente siya ng Pilipinas ng anim na taon at anim na buwan nang isumite niya ang kanyang certificate of candidacy (CoC) nang siya ay kumandidatong senador noong May 2013 elections.
Sa desisyon ng Comelec Second Division, naging resident lamang si Poe noong Hulyo 2006 nang mag-apply siya para sa dual citizenship, o kapos ng dalawang buwan sa 10-year residency na itinakda ng Konstitusyon.
Ayon pa sa Comelec resolution, binanggit ni Poe sa kanyang CoC noong 2012, sa kanyang pagkandidato sa senatorial race, na resident siya ng Pilipinas ng “6 years and 6 months.”
Matapos ang tatlong taon, sinabi ng senador sa kanyang CoC para sa 2016 presidential election na resident siya ng Pilipinas ng “10 years and 11 months,” sa halip na “9 years and 6 months.”
“This was a deliberate attempt to mislead or misinform the electorate or hide a fact from them when she supplied the answer in her CoC for the presidency,” giit ng poll body sa resolusyon nito.
“Poe needs new and material evidence to overturn the division ruling. DNA results proving her ties with a Filipino parent might prove her being a natural-born Filipino citizen,” giit naman ni Macalintal. (REY PANALIGAN)