Nasa balag na alanganin ngayon ang isang alkalde ng Biliran dahil sa maanomalyang pagbili ng mga gamot, na nagkakahalaga ng halos P300,000, noong 2010.

Kinasuhan si Caibiran Mayor Eulalio Maderazo sa Sandiganbayan ng paglabag sa Section 3(e) ng RA 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act).

Kasama rin sa sinampahan ng kaso sina Municipal Treasurer Loreto Serdeña Jr. at Accounting Department Officer-in-Charge Rodolfo Baguna dahil sa umano’y pakikipagsabwatan kay Maderazo upang maipagkaloob ang kontrata sa supplier na Andrea Medi Center sa kabila ng kawalan ng public bidding.

Tinukoy ng Ombudsman na bumili ng mga medisina na nagkakahalaga ng P283,335.15 ang Caibiran upang magamit ito ng rural health unit nito noong Agosto 2010.

Internasyonal

Mga Pinoy na ilegal na naninirahan sa Amerika, binalaan ng PH Ambassador

Sa reklamong natanggap ng Ombudsman, nagkaroon ng overpricing ang pagbili ng mga gamot.

Nang magsagawa ng imbestigasyon ang ahensiya, nadiskubre na hindi dumaan ang nasabing proyekto sa Bids and Awards Committee (BAC) at iprinoseso rin ang kabayaran ng mga gamot sa kabila ng kawalan ng mga dokumento, katulad ng “abstract of bids at minutes ng BAC meeting”.

Sinabi ng Ombudsman na malaki ang pananagutan ng tatlong opisyal dahil sa hindi naaayon sa batas na pagsa-shopping bilang alternatibong paraan ng pagbili, at lagpas din ito sa ipinaiiral na P50,000.00-threshold para sa isang fourth class municipality. (Rommel P. Tabbad)