Nagtala ng game-high 27 puntos si reigning women’s MVP Gretchel Soltones upang pangunahan ang San Sebastian College sa pananatili sa pamumuno kahapon matapos pataubin ang Emilio Aguinaldo College, 25-13, 25-17, 21-25, 25-8 sa pagpapatuloy ng aksiyon sa NCAA Season 91 volleyball tournament sa The Arena sa San Juan City.

Ang panalo ang ikatlong sunod para sa koponan ni coach Roger Gorayeb na naghahangad na bumawi sa taong ito sa natamong kabiguan sa kamay ng reigning champion Arellano noong Season 90 finals.

Nag-ambag naman ng walong puntos sa naturang panalo si Nikka Dalisay at tig-7 puntos naman mula kina Katherine Villegas, Jolina Labiano at Joyce Sta.Rita.

Sa kabilang dako, wala namang nakapagtapos na may double digit para sa Lady Generals na pinangunahan ni Joyce Reyes na may 7 puntos .

May cash incentives din; Karl Eldrew Yulo, tumanggap ng ₱500K mula kay Chavit!

Bunga ng kanilang kabiguan, bumaba ang EAC Lady Generals sa barahang 1-2, panalo-talo.

Sa kalalakihan, umiskor naman ang reigning MVP na si Howard Mojicca ng 19 puntos na kinapapalooban ng 18 hits upang giyahan ang Generals sa kanilang ikatlong sunod na panalo pagkaraang walisin ang San Sebastian Stags, 25-18, 25-23, 25-22.

Gaya ng nauna nilang mga laro, nanguna sa Stags, na bumaba sa ikatlong sunod na pagkatalo, si Richard Tolentino na may 16 puntos.

Sa juniors division, umangat naman ang Staglets sa maagang pamumuno matapos iposte ang ikalawang dikit na panalo matapos padapain ang EAC Brigadiers, 25-22, 25-23, 25-23.

Umiskor ng 13 puntos si Karl Justin Berdal habang nagdagdag naman ng 10 puntos si Romeo Teodones upang pamunuan ang nabanggit na panalo ng San Sebastian.

Samantala sa isa pang women’s match, nagmartsa din sa kanilang ikatlong dikit na panalo ang defending women’s champion Arellano University makaraang durugin ang Lyceum of the Philippines, 25-11, 25-9, 25-21 sa pangunguna ni CJ Rosario na nagtala ng 13 puntos. (Marivic Awitan)