Umani ng batikos sa social media ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) nang aminin ng kagawaran na ito ang nagbaon ng halos 300 sako ng bigas na para sana sa relief operations sa naapektuhan ng bagyong “Ruby” noong 2014 sa Leyte.

Ayon sa mga blogger, hindi na sana itinago sa bodega ng DSWD ang 284 na sako ng bigas at sa halip ay ipinamahagi na lang sana sa mga pamilyang nasalanta ng bagyo sa tatlong lalawigan ng Samar.

Wala anilang malasakit sa mahihirap ang ahensiya nang “hintayin lamang na mabulok ang mga bigas na nakaimbak sa kanilang bodega sa lugar, kahit maraming nagugutom na pamilya sa mga lugar na naapektuhan ng nasabing kalamidad.”

Nabulgar ang tungkol sa nabulok na bigas makaraang matuklasan ng isa sa mga residente ng Barangay Macaalang sa Dagami, Leyte, na nakabaon ang mga ito sa isang malaking hukay sa lugar.

National

4.5-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Norte

Kinumpirma ni DSWD 8 information officer Vina Aquino, na ang naturang bigas ay bahagi ng 4,000 sako ng bigas na nanggaling ng Cebu, para sa mga biktima ng bagyong “Ruby.”

Bukod dito, pinagbibitiw din ng mga ito si DSWD Secretary Corazon “Dinky” Soliman dahil sa nasabing insidente.

Wala na anilang rason upang manatili pa sa posisyon si Soliman dahil sa “kapabayaan nito sa kanyang tungkulin na nagresulta sa insidente.” (Rommel P. Tabbad)