Hiniling ni Philippine Basketball Association (PBA) Commisioner Chito Narvasa ang tulong ng mga online media upang asistihan ang liga na mapalawak pa lalo ang kanilang fanbase Ayon kay Narvasa, hindi lingid sa kanya na mas lalo pang lumaki ang following ng UAAP at NCAA dahil sa tulong ng social media na lubhang napakainit ngayon partikular sa mga kabataan at mga Pinoy na nagtatrabaho sa abroad.
Ayon kay Narvasa, ito ang plano nilang palakasin ngayon, ang followers ng liga sa social media para lalo pang palakihin ang fanbase ng liga.
“Siyempre hindi naman matatawaran ang napakalaking tulong na nagawa sa liga ng ating mga kasama sa tri-media lalo na sa print na siya nating kasa-kasama at katuwang noon pa, pero siyempre kailangan na maging updated tayo at ‘yun ang isa sa mga plano ngayon, ang palawakin ang fanbase ng PBA sa pamamagitan ng social media,” paliwanag ng PBA chief.
Naniniwala si Narvasa na sa pamamagitan ng social media, mas maaabot nila ang mga kabataan na inaasahang magpapalaki ng bilang ng kanilang audience.
Bukod sa pagpapalawak ng kanilang fanbase, naniniwala rin si Narvasa na makakatulong ang social media sa hangad na mapalaganap at gawing global ang level ng kamalayan ng mga basketball fan tungkol sa PBA. (Marivic Awitan)