Asahan ang pagsisikip ng trapiko sa ilang bahagi ng EDSA ngayong weekend bunsod ng road reblocking at repair project, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Sa EDSA-southbound, isasara ang bahagi ng EDSA, sa pagitan ng Aurora Blvd. at P. Tuazon Street (Service Road), unang lane mula sa sidewalk.
Sa EDSA-northbound, ang mga lugar na maaapektuhan ay sa pagitan ng New York at K-10 Street, ikalawang lane mula sa sidewalk.
Isasagawa ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang road reblocking simula 10:00 ng gabi ngayong Biyernes at ito ay inaasahang matatapos sa Lunes, Disyembre 7.
Ayon kay MMDA Chairman Emerson Carlos, inirekomenda ni DPWH-National Capital Region Director Melvin Navarro ang pagsasagawa ng reblocking bilang bahagi ng pagmamantine ng magandang kondisyon ng kalsada.
Ang lahat ng maaapektuhang lugar ay muling bubuksan sa mga motorista dakong 5:00 ng Lunes ng umaga.
Inabisuhan ng MMDA ang mga motorista na iwasan muna ang mga naturang lugar upang makaiwas sa trapiko.
(Anna Liza Villas-Alavaren)