Far eastern University UAAP Champions (Bob Dungo,jr)

Hindi lamang pagtupad sa isang pangako kundi ang matinding kagustuhan na mabigyan ng kampeonato ang kanilang paaralan bago man lamang nila ito iwan, ang pangunahing motivation para sa mga senior player ng Far Eastern University (FEU) upang angkinin ang titulo ng katatapos na UAAP Season 78 men’s basketball tournament.

Ayon kay Tamaraws coach Nash Racela, sa araw ng selebrasyon ng kanyang kaarawan noong Nobyembre 30, nangako ang kanyang mga senior player na kinabibilangan nina Mac Belo, Mike Tolomia,Roger Pogoy, Russel Escoto at Achie Inigo na ibibigay nila ang kanilang regalo sa kanilang mentor sa araw ng Miyerkules, ang araw kung kailan naganap ang Game Three ng best-of-3 series nila ng University of Santo Tomas (UST)- Tigers na kanilang napanalunan sa pagtutulungan at pamumuno ng mga nasabing player.

“Ang sabi ng mga player sa akin sa Wednesday na nila ibibigay ‘yung gift nila sa akin at heto nga, tinupad nila ang kanilang pangako,” ang pahayag ni Racela sa kanilang post game interview.

'Iconic women!' Pinakamalaki at pinakamaliit na babae sa buong mundo, nagkita!

Ngunit higit sa pangako, ayon kay Racela at sa kanyang mga graduating player, mas gusto nilang mag-iwan ng karangalan bago umalis sa FEU at makapagbaon ng kampeonato sa kanilang paglisan.

“Iniisip lang namin, huling laro na namin ito, kaya talagang ibinuhos na naming lahat,” anang Finals MVP na si Belo at ang kanilang Final Four at Finals hero na si Pogoy.

“Alam namin na talagang magiging napakahirap nito dahil hindi rin agad-agad na bibitiw ang UST, pero hindi kami sumuko kaya kami nanalo,” ayon pa kay Pogoy.

Ngunit hindi sinolo ng mga nasabing player ang kredito dahil gaya ng nais na mangyari ni Racela, ibinahagi nila ang kanilang mga nakuhang parangal at papuri sa lahat ng kanilang mga kakampi.

“Siyempre, hindi naman namin kaya ito ng kami-kami lang. Para sa buong team ito dahil lahat kami nagtulung-tulong at naghirap para makuha ito. At siyempre para sa buong FEU community na hindi kami iniwan at hanggang sa huli na sumuporta sa amin,” ayon naman kay Tolomia. (MARIVIC AWITAN)