Hinikayat ni Nationalist People’s Coalition (NPC) Rep. Win Gatchalian ang dalawang kapulungan ng Kongreso na aprubahan ang panukalang batas na maghahati sa Department of Transportation and Communication (DoTC) upang bigyang-daan ang pagtatatag ng Department of Information and Communication Technology (DICT).
Sinabi ni Gatchalian, senior vice chairman ng House Committee on Metro Manila Development, na napakalaking ahensiya ng DoTC upang epektibong matutukan ng isang itinalagang kalihim ang mga suliranin sa transportasyon at komunikasyon.
“Dapat aprubahan ng Kongreso ang panukalang ito sa lalong medaling panahon. Hindi kaya ng isang tao na pangasiwaan ang isang napakalaking departamento,”paliwanag ng kongresista.
Tinukoy ng mambabatas ang Senate Bill No. 2686 at House Bill No. 6198 na kapwa may titulong “Department of Information and Communications Technology Act of 2015.”
Sa ilalim ng panukala, babaguhin ang pangalan ng DoTC at itatatag ang Department of Information and Communications Technology (DICT).
“These separation of functions and the creation of a new agency is now a necessity given the recurring monstrous traffic jams and the regular glitches in the MRT-LRT system coupled with text scams and snail-paced internet connection cannot be handled by one department secretary alone,” ayon pa kay Gatchalian.