MAGANDANG balita para sa mga buntis: Okay lang na uminom ng isang tasa ng kape sa umaga nang hindi kailangang mag-alala na baka maapektuhan ang IQ ng bata sa inyong sinapupunan, ayon sa bagong pag-aaral.
Napag-alaman ng mga researcher na ang mga batang isinilang ng kanilang ina na madalas uminom ng kape habang nagbubuntis pa lamang ay hindi mababa ang IQ at wala ring naging problema sa kanilang pag-uugali.
Walang ebidensiya na ang pag-inom ng kape ng mga buntis ay may negatibong epekto sa pag-iisip at sa mga kinikilos ng mga bata sa edad na 4 hanggang 7, ayon sa mga researcher ng pag-aaral na nailathala noong Nobyembre 19 sa American Journal of Epidemiology.
“Taken as a whole, we consider our results to be reassuring for pregnant women who consume moderate amounts of caffeine, or the equivalent to one or two cups of coffee per day,” pahayag ni Sarah Keim, assistant professor ng pediatrics and epidemiology sa The Ohio State University College of Medicine at co-author ng pag-aaral.
Pinag-aralan ng mga mananaliksik ang sukat ng isang compound na tinatawag na paraxanthine sa blood samples ng 2,197 buntis. (Kapag nakatanggap ng caffeine ang katawan ng tao, hinahati ito ng katawan sa iba’t ibang compound, kabilang na ang paraxanthine). Kinolekta ang mga sample bilang parte ng Collaborative Perinatal Project, isang pag-aaral na iniuugnay sa pagbubuntis at perinatal factors at kalusugan ng mga sanggol. Ikinumpara ng mga researcher ang paraxanthine levels sa IQ at kilos ng mga bata.
Ang mga sample ay kinuha mula taong 1959 hanggang 1974, ang mga panahon na habang ipinagbubuntis sila ay umiinom ng kape ang kanilang ina, paalala ng mga researcher.
Hindi rin ito ang unang pag-aaral na nagsasabi na ang pag-inom ng kape ng sapat at tama at ligtas at hindi nakasasama sa pagbubuntis.
Bukod dito, nagpaalala ang American College of Obstetricians and Gynecologists na hinay-hinay lang sa pag-inom at huwag sosobra— sinabing hindi maaaring lumampas sa 200 milligrams sa isang araw, isa o dalawang tasa ng kape sa isang araw. (LiveScience.com)