Pumasok na sa imbestigasyon ang National Bureau of Investigation (NBI) sa kaso ng pamamaril at pagpatay sa ina ng online at TV sensation na si “Pastillas Girl.”
Ito ay makaraang personal na magpasaklolo si Angelica Yap, o mas kilala bilang “Pastillas Girl”, sa NBI para masusing imbestigahan ang pagpatay kamakailan sa kanyang ina na si Teresa Yap.
Matatandaang binaril ng hindi pa nakikilalang salarin ang nakatatandang Yap, isang barangay kagawad, habang nasa gilid ng kalsada sa tapat ng isang karinderia sa Caloocan City.
Isang tama ng bala sa ulo ang naging dahilan ng pagkamatay ng ginang.
Nakikipag-ugnayan na ang NBI sa Caloocan City Police para kumuha ng detalye sa insidente, maging ng kopya ng CCTV footage na posibleng pagkunan ng impormasyon sa pangyayari.
Sinabi ni Pastillas Girl na malaki ang tiwala niyang mapapabilis ang pagresolba sa kaso ng kanyang ina kapag magkatuwang ang PNP at NBI sa imbestigasyon at pagtugis sa salarin. (Beth Camia)