Nakapuntos muli si Senator Grace Poe makaraang ibasura ng Senate Electoral Tribunal (SET) ang motion for reconsideration na inihain ni Rizalito David, hinggil sa disqualification case laban sa mambabatas na unang pinaboran ng SET sa botong 5-4.
Sa kahalintulad na botong 5-4, muling kinatigan ng SET ang una nitong desisyon na “natural born Filipino” si Poe.
Ibinasura nina Senators Loren Legarda, Vicente Sotto III, Bam Aquino, Pia Cayetano at Cynthia Villar ang mosyon ni David na ikonsidera ang nauna nilang desisyon.
Sa pulong-balitaan kahapon, nagpasalamat naman si Poe sa resulta ng SET at iginiit na sana’y magamit ito sa mga susunod na pagdinig dahil tiyak naman na iaakyat ang kaso sa Korte Suprema.
Sinabi ni Poe na pantay-pantay ang bawat bata na isinilang sa mundo at labag sa batas kung ang isa sa kanila ay nasa mababa.
“God-given rights are not subject to the whims and caprices of men. They are universal. They are constant. They are inviolable. They are forever. And no amount of legal acrobats can alter or worse, take away our basic, inherent rights. Ako ay may sampalataya sa kabutihan ng tao at taimtim na naniniwala na sa dulo ng pagsubok na ito, ang kabutihan ay mananaig laban sa kadiliman,” paliwanag ni Poe. (Leonel Abasola)