Pinag-iingat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang publiko laban sa mga mandurukot at snatcher na gumagala sa mga matataong lugar ngayong nalalapit na ang Pasko.

Ayon kay NCRPO Director, Chief Supt. Joel Pagdilao, upang hindi mahalata ng publiko, nagbibihis nang magara ang masasamang loob gaya ng mga mandurukot at snatcher.

Payo ng pulisya: iwasang maglakad sa madidilim na kalsada, eskinita, hindi ligtas na shortcut at mga bakanteng lote dahil dito madalas tumambay ang mga kriminal; huwag dumaan sa pagitan ng nakaparadang sasakyan sa parking lot; kapag gabi ay maghintay ng masasakyan sa maliwanag na lugar; huwag magsuot ng mamahaling alahas at magdala ng malaking pera; kapag nasa loob ng bus o jeep iwasang ilabas ang kamay sa bintana dahil maaring mahablot ang suot na relo at alahas o masugatan ng ibang sasakyan; kunin ang plaka ng sasakyan at pangalan ng driver bago sumakay ng taxi bilang pag-iingat at sakaling may maiwanang gamit; ipabatid sa kaanak ang destinasyon at detalye ng biyahe upang kaagad na matulungan sa oras ng aksidente; iwasang mamili sa bangketa at sa halip ay sa department store kahit na mas mahal nang kaunti ang presyo ng mga produkto ay mas ligtas dito laban sa masasamang elemento sa lansangan; humingi ng tulong sa mga guwardiya at ‘wag sa hindi kilalang indibiduwal.

Tiniyak ni Pagdilao na mas paiigtingin pa ng mga ipinakalat na pulis sa Metro Manila ang kanilang pagbabantay at pagpapatrulya kontra krimen ngayong Kapaskuhan para sa seguridad at proteksiyon ng publiko. (BELLA GAMOTEA)

Probinsya

Magjowang ikakasal na ngayong taong, patay matapos maaksidente