Inuwi ng Leyte Sports Academy (LSA) ang titulo sa boksing habang tuluyang hinablot ng Quezon City ang overall championships sa makulay na pagtatapos ng 2015 Philippine Olympic Committee-Philippine Sports Commission (POC-PSC) Batang Pinoy National Finals sa Cebu City Sports Center noong Miyerkules ng gabi.

Isinara ng host Cebu, Mandaue at Danao City kasama ang Cebu Province sa pinakatampok na aktibidad na tangka nitong pagtatala sa Guinness Book of World Records ng torneo para sa 15-anyos pababa na sinaksihan mismo ng mga bisita mula sa Russian Federation na sina Dmirty Glushko at Sergei Khatylykov.

“It was a real wonderful show with all the children participating,” ang sabi ni Glushko, na siya ring presidente ng Children of Asia International Sports Games, sa seremonya kung saan tinangka ng Cebu City na maitala ang isang araw na pinakamaraming sumali sa pagtuturo ng pambansang sports ng Pilipinas na arnis.

Nagawa namang magwagi ng LSA ng 3 ginto, 1 pilak at 1 tanso upang iuwi ang titulo sa boksing na isa lamang sa kabuuang 22 sports na pinaglabanan sa limang araw na kampeonato. Ikalawa ang Cagayan De Oro na may 3-1-0 (ginto-pilak-tanso) at ikatlo ang General Santos City (3-0-0).

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nagwagi ng ginto para sa LSA si Ramil Pingol sa schoolboys light paperweight (42kg), Grycil Puso sa school girls paperweight (44kg) at Leah Catarinen sa school girls light pinweight (46kg). Iniuwi ni Milenino Anduyan ang tanso sa schoolboys pinweight (48kg) at ang tanso kay Nathalie Jheian Olis sa school girls light flyweight (50kg).

“Nagpapasalamat po kami sa Panginoon at nakabangon na kami at nakapagpatuloy na muli sa aming programa kahit na medyo hirap pa ring makabawi sa tinamo naming matinding bagyo,” sabi ni LSA coach Nelson Factoranan, na isa ding dating national team boxer at survivor din sa Bagyong ‘Yolanda’.

Ang CDO ay umasa kina Jericho Acaylar sa Kids Antweight (32kg), John Vincent Pangga sa Kids Light Mosquito (38kg) at James Ian Pangga sa schoolboys Mosquito weight (38-40kg). Ang tanso ay mula kay Jefferson Calinawan na nabigo sa kampeonato ng schoolboys paperweight (44kg).

Sinandigan naman ng General Santos ang women’s division para sa tatlo nitong ginto. Unang nagwagi si Jeane Raciel Boloy sa schoolgirls light flyweight bago sinundan ng dating majorette at kapatid ng isa sa mga miyembro ng national juniors team na si Shirllyn Gil Napoles sa schoolgirls light bantamweight (54kg).

Pinakahuling nagwagi sa koponan ni GenSan coach Dennis Laurente ang pamangkin naman nito na si Angela Bianca Laurente sa schoolgirls bantamweight (56kg).

Iniuwi naman ng host Cebu ang korona sa boy’s volleyball habang hindi ininda ng Kings Montessori School of Quezon City ang mahabang biyahe sa pagsakay sa barko papunta at pabalik sa Queen City of the South upang agawin ang korona sa girls volleyball.

Muli namang tinanghal na overall champion ang Quezon City sa iniuwi nitong 57 ginto, 58 pilak at 32 tanso para sa 147 medalya kasunod ang Baguio City na may 41-14-34=89 (ginto-pilak-tanso) sa ikalawa habang ikatlo ang host at 2014 overall champion Cebu City na may 28-28-30=85 medalya.

Ikaapat ang Davao (15-17-23=55) habang ikalima ang Province of Cebu (12-12-23=47). Ikaanim ang Province of Laguna (12-10-13=35) habang ikapito ang Zamboanga City (12-7-12=31). Ikawalo ang Mandaue City (12-7-9=28), ikasiyam ang Muntinlupa City (11-9-17=37) habang ika-10 ang South Cotabato (11-4-5=20). (Angie Oredo)