DALAWA sa mga kandidato sa pagkapangulo ang laman at usap-usapan sa media ngayon at ito ay sina Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Kinansela kasi ng Commission on Election (Comelec) Second Division ang Certificate of Candidacy (CoC) ng senador sa pagkapangulo, at ang pagiging palamura naman ni Duterte na maging ang Santo Papa ay hindi nakaligtas.
Sa mga isyung pagsisinungaling sa kanyang CoC sa pagkapangulo para linlangin ang taumbayan, ibinasura ng Comelec ang CoC ng senadora. Sa kanyang inihaing CoC, ideneklara ni Poe na siya ay residente ng bansa sa loob ng 10 taon at 11 buwan, ngunit kung susumahin batay sa kanyang CoC para sa pagkasenador noong 2013 ay 9 na taon at anim na buwan pa lamang siya hanggang sa halalan 2016 at hindi ito aabot sa 10-year residency requirement. Kailangan mapatunayan na citizen ng bansa ang mga magulang ni Poe para ikaw ay maging natural born citizen. Ngunit dahil niya kilala ang kanyang mga magulang, hindi umano siya natural born na kahit ayon sa international law ang pulot na bata ay natural-born citizen. Ang mananaig daw ay ang Saligang Batas at hindi ang international law.
Sa kanyang talumpati sa pagdeklara sa kanya para kandidato opisyal ng PDP-LABAN, sinabi ni Duterte na naipit siya sa traffic sa loob ng limang oras noong panahong dumalaw ang Santo Papa sa ‘Pinas. Nang sabihin sa kanya na sarado ang mga kalye, gusto raw niyang sabihin sa Papa: “Papa (mura) umuwe ka na! Huwag na kaming dalawin.” Sa pagmumura niyang ito, binatikos siya sa social media. Galit ang mga mananampalataya lalo iyong mga taga-simbahan sa pangunguna ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP). Kumambyo naman ang akalde at sinabi niya na hindi ang Papa ang minura niya kundi ang traffic. Nagbanta pa ang alkalde sa mga taga- Simbahan na kapag hindi raw sila tumigil sa pagbatikos sa kanya, sisiraan niya ang mga simbahan at ang kasalukuyang kalagayan ng mga pari at ang kanilang mga ginagawa.
Base sa huling survey, isa kina Poe at Duterte ang napipisil ng mga Pilipino na maging pangulo ng bansa. Para bang nasasalamin sa kanila ang katapatan at katapangan. Pero, ganito rin ang nakita ng mamamayan sa mga naunang naihalal.
Nabigo sila sa mga ito sa inasahan nilang pagbabago. Sa patuloy na paghahanap ng mamamayan ng tunay na leader, malakas ang loob ng kahit sino na ihelera ang kanyang sarili sa mga pagpipilian nila gaya nina Poe at Duterte.
(RIC VALMONTE)