Inatasan ng Korte Suprema ang Commission on Elections (Comelec) na magsumite ng komento sa inihaing petisyon na kumukuwestiyon sa pagpayag ng huli na makapagparehistro at makaboto ang mga preso sa eleksiyon sa Mayo 9, 2016.

Sa resolusyon na inilabas matapos ang full court session, na pinangunahan ni Acting Chief Justice Presbitero J. Velasco Jr., binigyan ng Korte Suprema ang Comelec ng 10 araw para magsumite ng komento hinggil sa petisyong inihain ni Atty. Victor Aguinaldo.

Kinuwestiyon ni Aguinaldo ang constitutionality ng Comelec Resolution No. 9371 na pinapayagan ang pagpaparehistro at pagboto ng mga bilanggo sa bansa.

Subalit binigyang-diin ni Aguinaldo na hindi niya hangad na ma-disenfranchise ang mga preso sa susunod na halalan.

Matapos maligwak ang request: Paolo Duterte, pumayag manatili si VP Sara sa kaniyang opisina

Iginiit ng petitioner na unconstitutional ang resolusyon ng poll body dahil nakasaad sa batas na dapat residente ng lugar ang isang botante, na roon siya boboto.

Aniya, dapat bigyang-linaw o amyendahan ng Comelec ang naturang resolusyon kung dapat payagang bumoto ang mga nasa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City at sa mga provincial, municipal at city jail sa susunod na taon.

“Comelec Resolution No. 9371 has imperfections, inadequacies and deficiencies in its applications, and thus, creating uncertainties, loopholes, gaps and ambiguities in its provisions, application and/or implementation,” aniya.

Tinukoy ni Aguinaldo ang mga kaso nina dating Pangulo at ngayo’y Pampanga Rep. Gloria Macapagal Arroyo, at sina Senators Jinggoy Estrada at Ramon Revilla Jr. na pawang nakakulong dahil sa mga asuntong inihain sa Sandiganbayan laban sa kanila. (Rey Panaligan)