Gaya ng dapat asahan, sumalo sa liderato ng NCAA Season 91 volleyball tournament sa women’s division ang College of St. Benilde makaraang makamit ang ikalawang sunod na tagumpay kahapon nang pataubin ang event host Letran, 25-17, 25-21, 25-8 sa The Arena sa San Juan City.

Umiskor ng 16 at 14-puntos ang mga beteranong sina Jeanette Panaga at Janine Navarro, upang pangunahan ang Lady Blazers sa pagpantay sa dating nagsosolong lider na San Sebastian College Lady Stags.

Wala namang nakaiskor ng double digit para sa Letran na pinangunahan ni Anne Abitan na mayroong 7-puntos.

Dehadong-dehado sa statsline ang Lady Knights na nagposte ng 22 hits, 3 blocks at isang ace kumpara sa 37, 8 at 11 ng Lady Blazers, ayon sa pagkakasunod.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakumpleto ng St. Benilde ang double kill matapos na walisin din ng kanilang men’s team sa pangunguna ni Johnvic de Guzman na tumapos na may 17-puntos ang Knights, 25-23, 25-23, 25-17.

Nag-ambag naman si Oneal Arda ng 14-puntos para sa nasabing panalo ng Blazers habang nag-iisang naka-double figure para sa Letran si Bobby Gatdula na nagtala ng 12-puntos. (Marivic Awitan)