Muling nakakumpiska ng iba’t ibang kontrabando ang mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) at Armed Forces of the Philippines (AFP) sa ikinasang ikaanim na “Oplan Galugad” sa dalawang quadrant ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City, kahapon ng madaling araw.

Ayon kay BuCor Director Rainier Cruz III, dakong 5:00 ng madaling araw nang simulan ang pagsuyod gamit ang metal detector ng mga tauhan ng BuCor katuwang ang mga tauhan ng Explosive Ordnance Division (EOD) ng AFP sa Quadrant 2 at 3, Building 13, ng Maximum Security Compound kung saan nakapiit ang halos 1,000 inmate mula sa mga pangkat ng Batang City Jail, Sigue-Sigue Sputnik, Commando at Genuine Ilocano Group.

Kabilang sa mga nakumpiska sa mga selda at kubol ang iba’t ibang appliances, tangke ng liquefied petroleum gas (LPG), sumpak, bala ng shotgun, TV antenna, high frequency radio, communication gadget, mahigit 100 patalim at satellite disc na kasing laki ng palanggana.

Bukod dito, sinuyod din ng awtoridad ang nagsisilbing water system facility ng NBP upang suriin kung may mga nakatagong kontrabando ngunit ilan lamang na matutulis na bagay ang nasamsam dito.

National

Bagong kurikulum ng DepEd, ipatutupad sa S.Y. 2025-2026

Sa halos tatlong oras na raid ng BuCor, nabigo itong makakumpiska ng baril at ilegal na droga.

Sinabi ni Cruz, mas kakaunti ang nasamsam na kontrabando ngayong pagsalakay sa NBP kumpara sa ikinasang operasyon sa Quadrant 2 noong Nobyembre 11 at Quadrant 3 noong Nobyembre 24.

Patunay lang, aniya, ang pagbaba ng kontrabando sa NBP ay bunga ng pagsisikap ng mga presong sumunod sa mga regulasyon ng BuCor lalo na’t naghigpit na sa mga sasakyang pumapasok sa bisinidad at loob ng pambansang piitan.

Nagdagdag na rin ng 45 closed circuit television (CCTV) camera upang maiwasan ang pagpupuslit ng mga kontrabando sa NBP. (Bella Gamotea)