Itinalaga si Senator Loren Legarda bilang pangunahing tagapagtaguyod ng United Nations Office for Disaster Risk Reduction’s (UNISDR) Global Champion for Resilience sa 2015 Paris Climate Conference.

Ito ang inihayag ni Margareta Wahlstrom, Special Representative of the UN Secretary General for Disaster Risk Reduction, nitong Nobyembre 30, sa pulong ng Climate Vulnerable Forum High Level Meeting sa 2015 Paris Climate Conference or COP 21.

“The UNISDR recognized the Philippine Senator’s unrelenting and vigorous support in advancing disaster risk reduction and climate change adaptation nationally and internationally through legislation, policy leadership, and advocacy at all levels,”ayon kay Wahlstrom.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Legarda, na siya ring UNISDR Regional Champion for Disaster Risk Reduction and Climate Change Adaptation for Asia-Pacific, simula pa noong 2008.

Empleyadong lasing, patay matapos sapakin ng ginising na katrabaho

Kilala si Legarda bilang kampeon sa paglaban sa climate change at sa mga batas na kanyang ipinasa para labanan ito.

Kasabay nito, iminungkahi naman ni Senator Francis Escudero na bigyang insentibo ang mga nagtataguyod ng renewable energy para mahikayat silang mamuhunan sa mga lugar sa bansa na walang kuryente.

Ginawa ni Escudero ang panukala sa gitna ng pangako ng Pilipinas na makikiisa sa pandaigdigang pagsisikap na bawasan ang carbon emission sa mundo sa ika-21 Conference of Parties (COP21) sa UN Framework Convention on Climate Change sa Paris.

Pinamumunuan ng Pilipinas ang Climate Vulnerable Forum, na kinabibilangan ng 20 bansa na lubhang apektado ng climate change.

“Kung talagang seryoso tayo sa pagbabawas ng carbon emission at tuparin ang ating pangako sa international community, dapat nating isulong ang pagpapaunlad ng renewable energy,” wika ni Escudero.

Sa taya ng Department of Energy (DOE), nangangailangan ang Pilipinas ng karagdagang 11,400 megawatts para matustusan ang pangangailangan sa kuryente mula 2016 hanggang 2030.

Aniya, ang mga pinanggagalingan ng renewable energy, gaya ng hangin at araw, ay hindi lamang maituturing na “sustainable” kundi mas mura kumpara fossil fuel dahil libre lang ang mga ito.

Ayon sa DOE, noong 2014 ay 37 porsiyento lang ng pinagkukunan ng kuryente ang mula sa renewable energy, habang 63% pa rin ang nagmumula sa non-renewable energy na karaniwan ay uling. Samantalang wala pang isang bahagdan ang pinagkukunan ng enerhiya mula sa araw at hangin. (Leonel Abasola)