SA wakas ay nagdesisyon na si Davao City Mayor Rodrigo Duterte. Tatakbo siya at ito ay TOTOO na. Wala na itong atrasan maliban na lamang kung “ihahagis sa bintana” ng Commission on Elections (Comelec) ang inihain niyang Certificate of Candidacy (CoC).
At sa desisyong ito ni Duterte, nadagdagan ang sakit ng ulo ng Comelec. Sa kaso lamang ni Sen. Grace Poe ay natutuliro na sila, nadagdagan pa ng kaso ni Duterte. Ang kaso ni Poe ay tungkol sa kanyang citizenship dahil sa kanyang pagiging PULOT. Ang kaso naman ni Duterte ay tungkol sa TEKNIKALIDAD.
Maraming marurunong at nagmamarunong ang naniniwalang madi-disqualify si Duterte sapagkat ang papalitan umano niyang kapartido sa PDP-Laban na si Martin Diño ay hindi naman pagkapangulo ang inihain sa kanyang CoC kundi bilang mayor ng Pasay. Kung papalitan niya si Diño, ibig bang sabihin ay ‘yon din ang puwestong kanyang papalitan?
Pero meron pa umanong isang paraan, at ito ay kung papayag si Amba. Roy Seneres na palitan niya. Ngunit dito ay dapat siyang sumanib sa partido ni Seneres na Filipino Family Party. Ngunit bukod dito ay may kondisyon pang hinihingi si Seneres na ewan lamang kung katanggap-tanggap kay Duterte.
Pero sa anu’t anuman, dapat ay madaliin na ng Comelec ang kanilang pinal na desisyon sa problemang ito ni POE at DUTERTE para hindi na rin nangangapa ang mga taumbayan at mapagpasiyahan na kung sino ang kanilang iboboto.
Sa situwasyong pulitikal naman nagkamali ang kolumnistang ito na hindi papatulan ng mga electorate ang mga pahayag ni Duterte na gagamit siya ng dahas para lipunin ang mga kriminal, pusher at maging ang mga corrupt sa gobyerno.
Kung kinakailangan pumatay ay gagawin niya aniya, kaya inaanyayahan pa niya ang ibang mga negosyante na magtayo pa ng mga punerarya.
Iyon pala ang gusto ng mamamayan, iyon pala ang pangarap nila para tuluyang masugpo ang masasama sa loob man o labas ng pamahalaan.
BIRONG PINOY
RALIYISTA: Duterte! Duterte! Duterte kami!
REPORTER: Ma’am, Sir, bakit gusto n’yo si Duterte?
RALIYISTA: Uunlad kasi ang negosyo namin sa kanya.
REPORTER: Bakit ano ba ang mga negosyo n’yo?
RALIYISTA: May PUNERARYA po ako at pagawaan ng KABAONG.
BABAE: Ako naman po ay nagtitinda ng KORONA at LAPIDA.
LALAKI: EMBALSAMADOR naman ako! (ROD SALANDANAN)