Malabong mailipat sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City si US Marine Lance Corporal Joseph Scott Pemberton matapos siyang mahatulan ng guilty sa kasong homicide ng Olongapo Regional Trial Court (RTC), ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director Rainier Cruz III.
Kinumpirma ni Cruz na walang tsansang makulong ang 20-anyos na sundalong Amerikano sa NBP sa kabila ng utos ng korte ng Olongapo RTC na ilipat ito mula sa isang piitan sa Camp Aguinaldo, Quezon City makaraang patawan ng anim hanggang 12-taong pagkakakulong dahil sa pagpaslang sa biktimang si Jennifer Laude, isang Pinoy transgender, noong Oktubre 2014.
Nilinaw pa ng BuCor chief na batid nito ang umiiral na Visiting Forces Agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika kaya inaasahan nitong hindi madadala sa NBP si Pemberton kahit pa igiit ng publiko na dapat makulong ang dayuhang sundalo sa pambansang piitan.
“I want to make this clear. Pemberton is covered by the provisions of the Visiting Forces Agreement, stating that he shall be detained at the mutually-agreed prison facility. And the agreed prison facility was the NBP station facility in Camp Aguinaldo,” sabi ni Cruz.
Paliwanag ni Cruz may umiiral na memorandum of agreement sa pagitan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at BuCor na gamitin ang detention cell sa Camp Aguinaldo bilang extension facility ng NBP.
Tiniyak ng BuCor chief na walang makukuhang VIP o special treatment si Pemberton mula sa 18 BuCor personnel na magbabantay sa dayuhan sa loob ng tatlong shift kada araw katuwang ang ilang opisyal ng US Marines na magsisilbing secondary guards.
Tanging ang problema sa kasalukuyan ng BuCor ay kung paano nila mapapakain si Pemberton dahil aabot lang sa halagang P50 ang nakalaang budget sa pagkain nito. (Bella Gamotea)