Inakusahan ng Mitsubishi Motors Philippines Corporation (MMPC) ang Department of Trade and Industry (DTI) dahil sa hindi umano nito pagiging patas matapos abisuhan ng DTI ang mga may balak na bumili ng sports utility vehicle (SUV) na iwasan muna ang Mitsubishi Montero Sports hanggang hindi malinaw ang kontrobersiya ng “sudden unintended acceleration” ng sasakyan na inirereklamo ng ilang bumili nito.
Ayon kay Froilan Dytianquin, MMPC first vice president for marketing, hindi makatarungan ang naging panawagan ng DTI laban sa kanilang produkto dahil hindi pa naman napatutunayan na mapanganib itong gamitin dahil sa isyu ng SUA.
Bagamat aminado na umabot sa 97 ang kabuuang bilang ng naitalang reklamo laban sa Montero Sports, na sinimulang ibenta sa Pilipinas noong 2008, sinabi ni Dytianquin na dalawa na lamang sa kaso ang hindi nareresolba.
Pinagdudahan din ng opisyal ang “timing” ng nagsipagsulputang mga biktima ng SUA dahil nakatakdang ilunsad sa publiko ang bagong modelo ng Montero Sports sa susunod na taon.
“The timing is questionable. When this SUA blog came out, we were actually market leader from 2009 to 2013 as best selling SUV. After four years, it resurfaced again,” pahayag ni Dytianquin.
Sa isinagawang pulong-balitaan sa isang hotel sa Mandaluyong City nitong Martes, punto-por-puntong tinalakay ng MMPC executives ang kanilang isinagawang pagsusuri sa Montero Sports na sinasabing ”umaarangkada ng sarili.”
Mula sa posibleng mechanical failure ng accelerator pedal hanggang sa malfunction ng ECU o electronically controlled unit (ECU), na inilarawan ni Dytianquin na pinakasensitibong bahagi ng bawat modernong sasakyan, ay kinilatis nang mabuti ng Mitsubishi engineers at walang nakitang depektibo na pinag-uugatan ng SUA.
Ipinagtaka rin ni Dytianquin kung bakit dinededma ng DTI ang kanilang hiling na matukoy ang profile ng pitong “third party expert” na pinili ng ahensiya upang siyasatin at himayin ang Montero Sport para malaman kung tunay ang SUA.
(ARIS R. ILAGAN)
[gallery ids="138119"]